SUMALI na si Foreign Minister Ri Yong-ho ng North Korea sa pakikipagpalitan ng bansa ng banta sa Amerika. Sinabi niyang ang mga tweet ni US President Donald Trump — na sina Kim Jong Un at Ri “won’t be around much longer” sakaling totohanin ng North Korea ang banta nito — ay nangangahulugan ng deklarasyon ng digmaan.
Dahil dito, sinabi ni Ri sa United Nations na titirahin ng North Korea ang mga US bomber na mamamataan malapit sa Korean peninsula. Una nang inihayag ng Amerika na lilipad ang mga B-1B Lancer bomber nito, kaagapay ang mga jet fighter, sa silangan ng North Korea upang magpamalas ng puwersa kasunod ng huling palitan ng banta nina Kim Jong Un at Donald Trump.
Kaagad namang iwinasto ng White House si Foreign Minister Ri: “We have not declared war on North Korea,” anito. Sa Amerika, Kongreso ang nagdedeklara ng digmaan. Ang mga tweet ni President Trump ay hindi man lamang maituturing na opisyal na polisiya ng gobyerno — gaya ng tweet niya na kumokontra sa pagkakaroon ng mga LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transgenders) sa Sandatahang Lakas, na binalewala ng huli sa pagpapahayag na maaari pa ring pumasok sa militar ang mga LGBT.
Gayunman, mistulang hindi nakikinig sa paliwanag o anumang apela ang North Korea, tinugunan ang banta ng Amerika ng sarili nitong pagbabanta. Ang huling pahayag ni Foreign Minister Ri ay nagpalubha sa antas ng panganib na maaaring mauwi ang palitan ng mga banta sa marahas na hakbangin.
Ayon sa kanya, “the whole world should clearly remember that it was the US who first declared war on our country” kaya naman ang North Korea ang mayroong “right to self-defense” at nasa posisyon upang puntiryahin ang mga US bomber “even when they are not yet inside the airspace border of our country.”
Sa mga palitan ng pahayag na gaya nito, ang magagawa na lamang ng mundo ay umasa at manalangin na huwag magkamali ng tantiya ang magkabilang panig. Inaasahan ng Amerika at ng iba pang bansa sa mundo ang pamamagitan ng China, ang pangunahing kaalyado at pinakamalaking kaagapay sa kalakalan ng North Korea, upang maimpluwensiyahan ang North Korea laban sa mga pinaplano nito. Ngunit sinabi ni Chinese Ambassador to the UN Liu Jieyi, “It’s getting too dangerous and it’s in nobody’s interest.” Ang China ang nasa pinakaakmang posisyon upang makiusap sa North Korea dahil sa malapit nilang ugnayang pulitikal at pang-ekonomiya, ngunit mistulang hindi alam ng China kung paano sosolusyunan ang sitwasyon.
Dapat na marahil na magpatupad ng mga hakbangin ang Amerika upang maibsan ang tensiyon, tulad ng pagkansela sa plano nitong magpalipad ng mga bomber malapit sa baybayin ng Korea. At mas mainam sigurong tigilan na ni President Trump ang pagti-tweet ng mga personal niyang banta laban sa North Korea at kay Kim Jong Un.