Claudine, Johnny Manahan, at Kristine
Claudine, Johnny Manahan, at Kristine

Ni DINDO M. BALARES

NANANATILING nag-iisa at walang katulad ang Star Magic, ang talent development and management agency ng ABS-CBN na sa pagdiriwang ng 25th anniversary ngayong taon ay pinakatampok ang 11th Star Magic Ball na ginanap nitong nakaraang Sabado ng gabi sa Makati Shangri-La Hotel.

Mahigit 700 ang dumalo sa Star Magic Ball 2017 na ang karamihan ay ang kanilang prized talents at mga bisita na pawang malalaki ring pangalan o haligi ng local entertainment industry.

Tsika at Intriga

JC De Vera, na-offend sa 'biro' ni Alex Gonzaga

Glamoroso ang buong gabi nang sama-sama nilang ipagdiwang ang kanilang pagmamahal sa bawat isa, sa pagkilala sa mga naiambag sa industriya at sa kanilang adbokasiya.

Historical uli ang Star Magic Ball ngayong taon na pinaghalong mga bagong konsepto at tradisyon. Nagsimula ang event sa pagrampa ng mahigit 300 artists at distinguished guests suot ang kanilang stylish gowns at suits sa red carpet.

Pinasigla ng Star Magic Ball mainstay na si Martin Nievera at bilang master of ceremonies ay agad inaliw ang lahat sa pag-awit ng Sammy Davis hit na Once In A Lifetime sa pagsisimula ng programa.

Tumutok ang fans ng Star Magic talents sa social media at sa Lifestyle TV, YouTube channel ng Metro Magazine and official website ng Star Magic Ball (www.starmagicball.com) at inabangan kung sinu-sino ang nabigyan ng special awards.

Kathryn Bernardo
Kathryn Bernardo

Si Kathryn Bernardo ang nag-uwi ng Pond’s Brightest Star of the Night at si Julia Barretto naman ang hinirang bilang Pond’s Bell of the Ball. Ang Pinoy Big Brother Lucky 7 housemates at Star Magic Ball first-timers na sina Kisses Delavin at Marco Gallo ay ginawaran naman ng Cornetto Tip-to-Top (Best Dressed) award, at ang real-life sweethearts na sina Jessy Mendiola at Luis Manzano ang tumanggap ng Oppo Couple of the Night award. 

Bilang bahagi ng tradisyon, ang ball ay nagbigay ng tribute sa isang moving force sa entertainment industry — na ngayong taon ay ipinagkaloob sa chief operating officer ng Star Creatives na si Malou N. Santos (MND).

Nagsimula ang tribute sa kanya sa pag-awit ng mga paboritong awitin niya sa pangunguna nina KZ Tandingan at Yeng Constantino (Betcha By Golly Wow) at Xian Lim (I Started A Joke). Pinasayaw nina Denise Laurel, Jolina Magdangal and Toni Taus ang crowd sa Dancing Queen, at inawit naman nina Vina Morales at Klarisse de Guzman ang That’s What Friends Are For. Sama-sama silang umawit ng What The World Needs Now na tila naging paalaala sa lahat kung ano ang pinakamahalaga ngayon sa mundo. 

Nagtapos ang tribute sa heartfelt message ni Bea Alonzo na nagbalik-tanaw sa kanyang humble beginnings bilang MND baby. 

Pero ang highlight ng momentous occasion ay ang sorpresang pagbibigay-parangal sa tatay ng Star Magic na si Johnny “Mr. M” Manahan, para sa di-matatawarang kontribusyon niya sa show business at sa kanyang walang katulad na paghubog ng mga artistang tinitingala ngayon.

Julia Barretto
Julia Barretto

Dahil big fan siya ng Broadway musicals, pinalitan ang dating Rigodon de Honor ng performance ng hottest at biggest love teams mula sa dalawang paboritong musical ni Mr. M na La La Land at Les Miserables.

Sinimulan ni Daniel Padilla ang La La Land production number sa pamamagitan ng City of Stars at sumayaw naman si Kathryn ng Someone In The Crowd kasama ang G-Force. Nag-perform sina Liza Soberano at Enrique Gil ng Lovely Night at itinuloy nina Elmo Magalona at Janella Salvador, McCoy de Leon at Elisse Joson, at Maris Racal at Iñigo Pascual ang pagsasayaw sa Someone in the Crowd.

Tinapos ang tribute kay Mr. M, na kilalang enjoy sa pagtingin sa mga bagong tutuklasing stars, figuratively at literally, sa regalong teleskopyo mula sa kanyang Star Magic babies na sina Claudine Barretto at Kristine Hermosa, at sa maikling pananalita ni ABS-CBN Chief Content Officer Charo Santos bilang parangal sa man of the hour.

Tulad ni MNS, ginawaran din si Mr. M ng Magnum Icon Award sa kanyang napakalaking ambag sa Kapamilya Network, sa paghubog ng ilang henerasyon ng mahuhusay na performers at sa pamumuno sa Star Magic na matagal nang nangunguna sa larangan ng talent development and management. 

Bukod sa pagdiriwang at mga parangal, mas naging makabuluhan ang Star Magic Ball sa pagkakaloob ng P1,000,000 sa Bantay Bata Foundation sa pangunguna ni Piolo Pascual.

Pagkatapos ng programa, pinangunahan na nina DJs Moophs at DJ Tom Taus ang sayawan, kasama ang Tarsier Records artists na sina Markus Paterson at Marion Aunor.