Ni REGGEE BONOAN
“COMMITTED ako sa kanya (Angel Locsin), gusto ko kasi grand gesture,” diretsong sabi ni Neil Arce nang kornerin namin sa hallway ng ELJ Building, ABS-CBN pagkatapos ng presscon ng Last Night noong Oktubre 21.
Natagalan bago namin ito isinulat dahil nakiusap si Neil na huwag muna namin itong isabay sa promo ng pelikula nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga na nag-showing noong Setyembre 27.
“Pakiusap ko lang, ‘wag n’yo muna isulat ito, ha, next week na kasi sasabay pa sa promo,” sabi ng isa sa producers ng Last Night under N2 Productions.
Committed kay Angel at grand gesture ang pinaplano niya sa nabanggit ng aktes sa presscon ng La Luna Sangre last month na hindi pa nito masabing pormal na ang relasyon nila ni Neil dahil hindi naman daw niya ito tinatanong, pero ramdam naman daw nilang mahal nila ang isa’t isa at nagsasabihan ng ‘I love you.’
Sa totoo lang, Bossing DMB, hirap na hirap kami nina Katotong Marinel Cruz at Leo Bukas na interbyuhin si Neil dahil para siyang kiti-kiti na iwas nang iwas at kailangan pa talagang brasuhin.
“Nag-i-edit kasi kami,” katwiran sa amin. “Pelikula first kasi, baka kasi ‘yan ang headline ninyo,” hirit sa amin.
Sabay sabing, “She deserves that (grand gesture) gusto ko talaga. I have pure intention, I am looking forward to spend my life with her.”
Iyon naman pala, bakit hindi pa niya tinatanong si Angel, e, sigurado naman nang sasagutin siya.
“Ano kasi, eh, gusto nga grand gesture. Maganda ‘yung moment. Hindi pang-promo lang, hindi pang-interview lang. At saka kung mangyayari ‘yun, sa amin na lang ‘yun,” seryosong sabi ng movie producer.
Dito ba mangyayari o sa ibang bansa?
“Ay, hindi ko alam, bye-bye na nga,” sabay alis ni Neil.
Hay, finally, nagsalita na rin si Neil Arce tungkol sa hangarin niya kay Angel Locsin na ilang beses kaming iniiwasan to the max.