NI: Fr. Anton Pascual

“WE serve and protect”.

Ito, mga Kapanalig, ang motto ng Philippine National Police (PNP). Makikita natin ito sa kanilang mga mobile at mga presinto, gayundin sa gate ng Camp Crame, ang pangunahing headquarters ng PNP na matatagpuan sa EDSA. Tungkulin ng mga pulis na paglingkuran ang publiko sa pamamagitan ng pagtatanggol laban sa masasamang loob. Kahit ang mga batang nangangarap maging pulis ay alam na ang pagtatanggol sa mga tao ang pangunahing tungkulin ng mga pulis.

Ngunit sa gitna ng laganap na patayan at karasahan, lalo na rito sa Metro Manila, hindi maiwasang magtanong ng marami kung gaano katotoo ang motto ng ating mga pulis? Halos araw-araw tayong may naririnig na operasyon ng pulis na nauuwi sa pagpatay sa mga umano’y nanlaban na suspek sa paggamit at pagtutulak ng droga. Nakababahala rin ang balita noon tungkol sa “secret cell” sa Tondo kung saan inilagay sa hindi makataong lugar ang mga nahuhuling suspek. Kamakailan, may mga pulis na naghalungkat sa mga gamit ng mga customer ng ilang bar sa Quezon City. Sa Caloocan naman, may 14 na pulis ang nasangkot sa panloloob sa bahay ng isang senior citizen. Malaki tuloy ang hamon sa mga pulis na makuha ang buong tiwala ng mamamayan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa mismong datos ng pamahalaan, mahigit na sa 12,000 kaso ng homicide o pagpatay ang naganap mula nang manungkulan si Pangulong Duterte. Sa bilang na ito, halos 4,000 ang may kaugnayan sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon, kabilang nga rito si Kian Loyd delos Santos na namatay sa kamay ng mga pulis. Kahit sa kampanya kontra krimen, may mga pulis na hindi na sinusunod ang tamang proseso sa paghuli ng suspek, katulad nang ginawa nila kay Carl Angelo Arnaiz na iginapos, binugbog at kinaladkad bago barilin nang dalawang beses hanggang sa namatay.

Ano ang naririnig nating aksiyon mula sa pamunuan ng PNP hinggil sa mga pagpatay na kinasasangkutan ng mga pulis?

Lagi silang nangangakong iimbestigahan ang mga kaso ng pagpatay na kinasasangkutan ng kanilang mga tauhan. Ngunit parang wala pa tayong narinig na pulis na sinampahan ng kaso o inalis sa serbisyo dahil dito. Noong linggo, kung kailan naganap ang pagpatay kay Kian, ginawaran pa ng parangal bilang “Best City Police Station” ang istasyon kung saan nakatalagâ ang mga pulis na nagsagawa ng madugong raid na nauwi nga sa pagkakapatay sa binata.

May mga nangangatwiran namang sa halip na punahin ang pagkakapatay—o pagpatay—ng mga pulis sa mga suspek sa droga o krimen, dapat pa raw silang suportahan sa pagganap sa kanilang trabaho. Para sa kanila, nararapat lamang na mawala ang mga masasamang-loob kaya kapuri-puri ang katapangan ng mga pulis sa tuwing nagsasagawa sila ng operasyon sa ngalan ng paglilingkod sa mga tao.

Baluktot ang ganitong pananaw. Ang paglilingkod—kung hihiramin natin ang mga salita ni Pope Francis—ay tanda ng tunay na pag-ibig. Alam ng mga nagmamahal kung paano paglilingkuran ang kanilang kapwa. Naglilingkod tayo dahil nagmamahal tayo. Kaya tanungin natin ang ating sarili: anong uri ng paglilingkod ang paglilingkod na may bahid ng karahasan?

Hindi ba’t takot sa halip na pagmamahal ang umiiral sa ganoong uri ng paglilingkod? Hindi matuwid ang paglilingkod at pagtatanggol ng mga taong inatasan natin ng tungkuling ipatupad ang batas—ang batas na kumikilala sa mga karapatang pantao—kung nagiging instrumento sila ng kawalang katarungan at hindi pagkilala sa diginidad ng tao.

Naniniwala tayong marami pa ring mga pulis na tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin, ang maglingkod at magprotekta.

Ipagdasal natin silang lahat, lalo na ang mga natutuksong abusuhin ang kapangyarihang nasa kanilang mga kamay.

Sumainyo ang katotohanan.