ANG P3.76 trilyon na pambansang budget para sa 2018 na inaprubahan ng Kamara de Representantes nitong Lunes ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.
Alinsunod sa probisyon ng batas na nagsasaad, “The state shall assign the highest budgetary priority to education…,” ang kabuuang P710.5 bilyon ay inilaan sa apat na pangunahing kagawaran sa ating sistemang pang-edukasyon, ang Department of Education (DepEd), na may P583.1 bilyon; Commission on Higher Education (CHEd), P49.9 bilyon; Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), P6.9 bilyon; at State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs), P61.6 bilyon.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act nitong Agosto 3, na nagkakaloob ng libreng matrikula at iba pang bayarin para sa mga estudyante sa mga SUC, LUC, at technical-vocational institution.
Batay sa programang ito, ang Pilipinas ay naging isa sa walong bansa lamang sa mundo na nagkakaloob ng libreng pag-aaral sa kolehiyo. Maraming iba pang bansa, kabilang ang Amerika, ang nagbibigay ng libreng edukasyon hanggang high school lamang.
Ang panukalang pambansang budget ay inaprubahan na ng Gabinete noong Hulyo 3 at naisumite na sa Kongreso; kaya hindi kabilang dito ang anumang pondo para sa batas sa libreng kolehiyo. Nagpasya ang mga pinuno ng Kongreso na kuhanin ang kinakailangang P40 bilyon para sa libreng matrikula sa kolehiyo mula sa iba’t ibang pondong naitakda na sa panukala, at ang pinakamalaking P30 bilyon ay tinapyas mula sa budget ng DepEd para sa mga silid-aralan.
Dapat na papurihan ang mga kongresista sa pagpupursigeng maghagilap ng pondo para sa bagong programa sa matrikula, ngunit sa pagtapyas nila sa budget para sa mga silid-aralan, maaapektuhan naman ang pangunahing programang pang-edukasyon sa bansa.
Nagbabala si Education Secretary Leonor Briones na milyung-milyong estudyante ang mawawalan ng silid-aralan sa mga susunod na taon dahil ang pondo para sa pagpapagawa ng mga gusaling pampaaralan ay nabawasan ng P30 bilyon. Mayroong iba pang mga programa na akmang tapyasan ng budget, aniya, at nag-alok pa siyang magmumungkahi ng listahan ng mga ito.
Ibinulalas din ni CHED Chairperson Patricia Licuanan ang sarili niyang opinyon sa usapin: “This is a very good thing to fund and we all want it funded … but to take it from another important program…. The students will also suffer.”
Naisumite na ang pambansang budget sa Senado at nangako si Sen. Loren Legarda, chairperson ng Senate Committee on Finance, na magsasagawa ng marathon session upang kaagad na maaprubahan ng Mataas na Kapulungan ang panukalang budget bago mag-adjourn ang Kongreso sa Oktubre 12. Maaaring magharap ang Bicameral Conference Committee pagkatapos upang maresolba ang kanilang mga hindi napagkakasunduan.