Ni: PNA

GARANTISADO nang makakausap ng mga taga-Caraga Region na naghahangad o nangangailangan ng psychological counselling, o maging ayudang medikal, ang mga taong makatutulong sa kanila makaraang ilunsad ang hotline para sa publiko.

Ito ay matapos na magsagawa ang Department of Health-Caraga ng sarili nitong “Helpline Numbers”, kung saan 24-oras na nakaantabay ang mga operator para magkaloob ng anumang ayudang pangkalusugan at tumugon sa mga emergency.

Gayunman, hindi maaaring dumulog ng konsultasyong medikal sa mga hotline number. Ito ang nilinaw ni Department of Health-Caraga Director Jose R. Llacuna, Jr.

Sa halip, sinabi ni Llacuna na maaaring tumanggap ng tawag at sumagot sa text message ang kagawaran mula sa mga taong dumadanas ng matinding depresyon upang maiwasan ang mga insidente ng pagpapatiwakal.

Ayon kay Llacuna, naging pandaigdigang phenomenon na ang pagpapakamatay at maaari itong mangyari kahit na kanino, anuman ang edad.

Mayroong 800,000 pagkamatay sa mundo na iniuugnay sa pagpapatiwakal kada taon, ayon kay Llacuna. Sa taya ng World Health Organization, may 350 milyong katao ang dumadanas ng iba’t ibang uri ng depresyon sa mundo.

Sa paglulunsad noong nakaraang linggo, sinabi ni Llacuna na isinabay ito sa paggunita ng Department of Health ng “World Suicide Prevention Day”, na may temang “Take A Minute, Change A Life. Tara, Usap Tayo!”

“The simple act of lending an ear to those in need of someone to talk to in times where it seems that all hope has abandoned one; in darkness of despair, a listening ear may prove to be difference between life and death,” sabi ni Llacuna.

Sa mga nagnanais ng tulong medikal at naghahanap ng makakausap sa Caraga, ang mga helpline number ay: (085) 342-5724, 0945-3592632, at 0948-2241857.