Ni REGGEE BONOAN

“INUSIG ako, nasubok ako nang husto.”

Ito ang nasambit sa amin ni Noven Belleza nang makatsikahan namin siya pagkatapos ng launching ng kanyang debut album na Ako’y Sa ‘Yo mula sa Star Music.

NOVEN copy copy

Human-Interest

Kompanya, pinapahanap breadwinner na naiyak sa regalong panty ng nanay niya

Si Noven ang unang champion sa “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime noong 2016. Alam ng lahat na magsasaka ang binatang 22 years old na dumanas ng halos lahat ng hirap para makatulong sa pamilya.

Kaya nang mapabalitang kinasuhan siya ng rape ay hindi namin sinakyan o hindi kami naniwala. Unang-una, paano magkakaroon ng lakas ng loob si Noven Belleza na may matayog pang pangarap para sa kanyang sarili at para sa pamilya?

Sisirain ba niya ng basta ganoon na lang ang mga bunga ng pagsisikap niya?

Pangalawa, nangyari sa Cebu na wala siyang kakilala. Nakarating siya roon dahil guest siya sa concert ni Vice Ganda.

Ni hindi nga masyadong ma-express ng binatang lumaki sa Victorias City, Negros Occidental ang sarili, ‘tapos may lakas ng loob na manggahasa?

Sa Diyos, sa pamilya, sa mga taong naniniwala sa kanya, at sa mga sumusuporta kumuha ng lakas ng loob ni Noven noong mga panahong nasa kagipitan siya.

Pero hindi nagtagal ang pagdurusang iyon dahil lumabas na ang katotohanang hindi totoo ang rape case. Dahil ang mismong babaeng nagsampa ng kaso laban sa kanya ay hindi naman inasikaso o tinutukan ang kaso.

“Dinismis po ng judge kasi wala naman po silang interes na ilaban ang kaso. Naglabas na po ang korte na nawalan ng interes. Kaya nagpapasalamat po ako sa lahat ng tumulong,” saad ni Noven.

May komunikasyon ba sila nu’ng babae?

“Wala na po, hindi na kami nagkita o nagkausap.”

Paano kung isang araw ay tumawag at humingi ng dispensa, tatanggapin ba ni Noven?

“No! Kasi ayaw ko na. Gusto ko nang kalimutan lahat. Ayaw ko na pong maging kaibigan. Ang laki ng idinulot niyang (gulo) sa pamilya ko, hindi lang sa akin,” sagot ng binata.

Kakilala pala ni Noven ang babae.

“Matagal ko na po siyang kakilala dito sa Manila, contender din po siya ng ‘Tawag ng Tanghalan,’ hindi ko po siya nakalaban, ibang batch po siya. ‘Tapos nagkita kami sa Cebu kasi tagaroon siya, may show naman kasi noon. ‘Tapos nagyaya siya ng dinner kasama ko po ang road manager ko.”

Lumulutang ang tsika na nagkaroon ng amicable settlement kaya umurong ang girl.

“Ay, wala po akong alam. Kung ganyan sinasabi, hindi po ayaw ko ng areglo, wala pong nangyaring ganu’n. Kasi inilaban ko,” sagot ng binatang singer.

Baka napag-isipan siya ng hindi maganda kasi napansing may gusto siya?

“Ay, hindi po, magkaibigan talaga kami,” aniya.

Maganda ba ‘yung babae?

“Ah, may itsura naman po.”

Inamin ni Joven na naapektuhan ang relasyon nila ng girlfriend niya ng mga panahong iyon, pero mabuti na lang at hindi naniwala kaya hindi siya iniwan.

“Siyempre naapektuhan kasi bakit ganu’n, hindi lang naman girlfriend ko, papa, mama ko at mga kapatid kong nag-aaral.

Siyempre hindi sila makapaniwala. ‘Yung emotional (distress) na naidulot ko sa pamilya ko, alam nilang hindi ko magagawa ‘yun,” pahayag ni Noven.

Dahil sa nasuungang pagsubok sa karerang pinasok, matibay na ang dibdib niya sa mga darating pang isyu sa kanya.

“Ready na po, pinasok ko ‘to, eh,” sambit ng binata.

May mga natutuhan siya sa nangyari: “Lubos ko pong naintindihan sa sarili ko na hindi na pala ako ‘yung Noven na okay lang gumala, hindi na pala puwede kasi kilala na pala ako ng publiko. Saka hindi dapat basta nagtitiwala at hindi kaagad sasama. Dapat piliin ang taong sasamahan at pagtitiwalaan.”

Aminado ang binata na marami na siyang nami-miss ngayon, tulad ng paliligo sa ilog kasama ang mga kaibigan niya sa probinsya, at maglakad kung saan man siya pumunta.

“Ngayon po kapag aalis ko o may bibilhin ako sa mall, kailangan ko pong magpaalam, hindi po ako nakakaalis basta-basta, pero titiisin ko po lahat alang-alang sa pamilya ko po, kasi lahat ng ito para sa kanila,” sabi ng “TNT” first grand winner.

Samantala, nagustuhan namin ang ilang kantang laman ng Ako’y Sa ‘Yo album tulad ng Lupa nina Charo Unite at Ernie dela Peña, ang revival/jukebox version ng Kung Kailangan Mo Ako ni Rey Valera at Ako’y Sa ‘Yo ni Jungee Marcelo.

Kasama rin ang mga awiting Tumahan Ka Na ni Vehnee Saturno na consistent number one sa MOR 101.9 charts sa loob ng 10 linggo.

Nag-release ng ikalawang single si Noven na ang titulo ay Nais Kong Ibalik kamakailan.

Ang Sino Ako ay komposisyon ni Fr. Joe Casteñeda na hiniling ni Ms Malou N. Santos na i-record ni Noven dahil may paggagamitan daw nito.

Ngayong araw ang album launching ni Noven sa Starmall Alabang. Mabibili ang album sa presyong P199 sa lahat ng music stores nationwide at sa digital stores worldwide.