Ni DINDO M. BALARES
BINUKSAN ni Kris Aquino kahapong 10 AM ang kanyang bagong Chow King store sa Welcome Rotunda, Quezon City. Ito ang kanyang pangalawang branch, una ang Chow King Ali Mall na binuksan niya noong November 2014, halos tatlong taon na ang nakararaan.
Under construction naman, sinimulan nitong nakaraang Huwebes, ang magiging pangatlong branch sa kanto ng Quezon Avenue at Araneta Avenue na magbubukas sa Enero 2018.
Pero bago ‘yun, bubukasan muna ang kanyang unang Jollibee store sa home province ng kanilang angkan, sa Tarlac, sa December 18 – Feast of the Immaculate Concepcion.
Kahapon, itinaon naman niya ang opening ng kanyang second CK store sa Feast of the Holy Archangels na sina Saints Michael, Gabriel at Raphael.
Bullish o malusog na malusog ang negosyo ni Kris, kaya ini-encourage siya ng mga co-franchisee/branch owners – at maging ng kanilang mother company na Jollibee Food Corporation – na magdagdag ng outlets.
Sa kasalukuyan, ang bawat franchise ng Chow King ay nagkakahalaga ng P13M-P15M at ang Jollibee naman ay P25M-P35M, depende sa laki ng lugar o store.
Bukod sa CK at Jollibee, mayroon ding Mang Inasal store sa Anonas, Quezon City at 10 Potato Corner (owned) at limang outright franchise si Kris.
Food empire ang pangarap ni Kris, at walang duda na tutuparin niya ito.
“Pero kailangan ko ring maging maingat sa pag-i-invest, kasi walang business loans ito,” sabi ni Kris nang mainterbyu ko sa opening ng CK Welcome Rotunda kahapon. “Hard-earned money ang ginagamit ko. ‘Yung mga kinita ko sa endorsements ko ang inililipat ko sa negosyo.”
Sa sobrang laki ng binibitiwang capital, sinisiguro ni Kris na pawang trusted people ang nagtatrabaho sa kanya – isa na ang pamangkin niyang si Jiggy Cruz.
UP-educated ang kanyang finance guru na si Nicko Falcis.
“Cum Laude s‘ya, Kuya Dindo,” pagmamalaki ni Kris. “At double major – Accountancy at Business Administration, ang hirap nu’n, di ba, pero naging Cum Laude pa rin.”
Tuluyan na yata siyang aagawin ng business sector, wala na ba siyang balak bumalik sa TV?
“Okey na ako, Kuya Dindo,” sagot ni Kris. “Masaya na ako sa buhay ko. Kung may dumarating na problema, ipinagdarasal ko. ‘Pag may problema ka, subukan mo, isimba mo lang. Prayer really works. At masarap maging positibo sa buhay. Gusto ko laging positibo na lang.”
Ang napansin ko lang, mas excited si Kris sa mga trabahong nalilikha ng investments niya. Ayon sa kanya, sa CK Alimall at CK Welcome Rotunda pa lang, 85 na ang empleyado niya. Bukod sa workers sa Mang Inasal, Potato Corner at Nacho Bimby, marami pang mabibigyan ng trabaho sa walong fastfood outlets na initial target niya.
E, kumusta na ang health niya? Ang puso niya?
“Na-correct na lahat, pati blood pressure at cholesterol ko, okay na.”
Alam ko, naintindihan niya pero sinadyang iwasan at hindi sinagot ang tungkol sa “puso” o love life niya.
Next time na mag-gatecrash uli ako sa event niya, didiretsuhin ko na ang tanong. Dahil kitang-kita naman, lalong gumanda at blooming ngayon si Kris.