Ni KIER EDISON C. BELLEZA
CEBU CITY – Nasawi ang isang 17-anyos na estudyante sa Grade 12 makaraan siyang tumalon mula sa ikapitong palapag ng isang gusali sa kanyang paaralan sa Barangay Kalubihan sa Cebu City, nitong Huwebes ng hapon.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Jonah Villarin, taga-Bgy. Tisa, Cebu City, dahil sa matinding sugat na tinamo ng kanyang ulo.
Nauna rito, tinangka ng dalagita na tumalon mula sa ikawalong palapag ng kaparehong gusali sa Asian College of Technology, subalit napigilan siya ng isang guro at dinala siya sa guidance counsellor, at kalaunan ay ipinatawag ang kanyang mga magulang.
Napaulat na namumroblema sa kanyang pamilya si Villarin at isang linggo na ang nakalipas nang lumayas ito mula sa sariling tahanan matapos umanong mapagalitan ng kanyang mga magulang.
Ayon kay SPO1 Winston Ybañez, ng Cebu City Police Office-Homicide Section, sinabi sa kanila ng ina ng estudyante na hindi ito ang unang beses na naglayas si Jonah makaraang mapagalitan.
Nabatid na natakot umano ang dalagita na makita ang kanyang ina nang ipatawag ito ng paaralan kaya nagsabi siyang magbabanyo, subalit tumalon mula sa bukas na bintana sa ikapitong palapag ng gusali, bandang 4:00 ng hapon nitong Huwebes.
Inihayag ni Asian College of Technology President Stephen Descallar na ang eskuwelahan ay “shocked about the unfortunate incident”, at sinabing kakaiba ang kinikilos ng dalagita nang araw na iyon.
Sinabi pa ni Descallar na inamin ni Jonah sa guidance counsellor na si Mr. Marcus Agonia, Jr., na ang dalagita ay “physically, verbally and psychologically abused by her parents at home”.
Sinabi pa umano ni Jonah kay Agonia: “Gikapoy na ‘ko sa akong kinabuhi, kay puros lang pain (Sawa na ako sa buhay ko’ng puro pasakit).”
Ayon kay Descallar, inirekomenda na niya noon sa ina ni Jonah na ipasuri sa clinical psychologist ang dalagita makaraang makumpirma na maraming beses nang nagtangkang maglason ang estudyante.