MABILIS na umaksiyon ang Malacañang laban sa lumalaking kontrobersiya ng Statements of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.
Hiniling ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa Malacañang ang mga SALN ng mga miyembro ng Gabinete. Inilabas naman ang mga SALN, ngunit ilang bahagi nito ang binura ng pentel pen — redacted o in-edit — gaya ng mga acquisition cost, paglalarawan, at iba pang detalye ng mga ari-arian ng mga kasapi ng Gabinete.
Posibleng ilang opisyal ng Malacañang Records Section o ang Presidential Communications Office, ang nagsagawa ng mga pagbura, alinsunod sa Data Privacy Law. Sa bilang ng PCIJ, may kabuuang 167 ang blacked-out items sa 29 na SALN na natanggap nito.
Naghain ng resolusyon si Sen. Antonio Trillanes IV na nananawagan sa Senado na busisiin ang usapin. Nitong Martes, sa plenary session ng Senado, ay idinulog na ang isyu sa Blue Ribbon Committee at sa Civil Service Committee. Gayunman, bago pa matapos ang nasabing araw ay tiniyak na ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ilalahad sa publiko ang kabuuang detalye ng mga ari-arian ng mga miyembro ng Gabinete. “If you check again, they will give you the full,” sinabi ni Abella sa PCIJ.
Ayon kay Deputy Commissioner Ivy Patdu ng National Privacy Commission, ang detalye sa mga ari-arian ng isang lingkod-bayan ay hindi dapat na ikubli sa mga SALN na inilalabas sa mga mamamahayag. Ilang datos ang maaaring ikubli, gaya ng mga address sa bahay at pangalan ng mga anak na menor de edad, subalit ang SALN ay “not sensitive personal information”. Nakasaad dito ang mga datos na inoobliga ng batas na maisapubliko, aniya.
Bago pa ang mabilis na pag-aksiyon ng Malacañang na nagbaligtad sa nauna na nitong redaction sa ilang bahagi ng SALN ng mga miyembro ng Gabinete, nanawagan si Senate Minority Leader Franklin Drilon na busisiin ang batas sa SALN upang malinawan ang anumang posibleng kalituhan nito sa umiiral na Data Privacy Law. Hindi na marahil ito kakailanganin dahil nakapagbigay-linaw na ang National Privacy Commission, sa agarang pag-aksiyon na rin ng Malacañang.
Gayunman, marapat na tumalima ang Kongreso sa apela ni Pangulong Duterte nang ipalabas niya noong Hulyo 23, 2016 ang ikalawang Executive Order ng kanyang administrasyon na nagtatakda sa kabuuang paglalahad ng mga gawain at transaksiyon ng lahat ng tanggapan sa Ehekutibo. Aniya, sasaklawin lamang ng kanyang executive order ang mga nasa ilalim ng Ehekutibong sangay ng pamahalaan. Kinakailangang pagtibayin ng Kongreso ang isang batas na sasaklaw sa buong gobyerno, kabilang ang Lehislatura at Hudikatura.
Mahigit isang taon na ang nakalipas mula nang malagdaan ang nasabing executive order. Dapat na pagtuunan ng atensiyon ng Kongreso ang pagpapatibay sa batas na iminungkahi ni Pangulong Duterte upang maisakatuparan na ang Freedom of Information sa kabuuan ng pamahalaan ng Pilipinas.