Nina Genalyn D. Kabiling at Rommel P. Tabbad

Bukod sa pagbaba sa puwesto, sinabi rin ni Pangulong Duterte na nakahanda siyang magpabitay kung mapapatunayan ang mga alegasyon sa kanyang ill-gotten wealth.

Itinaya ng Pangulo ang kanyang buhay sa pagsasabi na ang mga alegasyon ng kurapsiyon, na iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman, ay bahagi lamang ng “politics.”

“If there is a P211 million, kanila na lang. And I’d be happy if they give me P1,000 and they can — if there is one, they can confiscate it,” sabi ni Duterte sa paggunita sa ika-116 na taon ng Balangiga encounter sa Eastern Samar nitong Huwebes.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“And if I have a deposit outside of the Philippines, maski isang dolyar lang, bababa ako sa pagka-Presidente, at puwede ninyo akong patayin diyan sa monumento, for those people who suffered for the greater good of what is now the Republic of the Philippines,” dagdag niya.

Iminatwid niya na hindi na sana siya naghangad na maging pangulo at nagpakasaya na lamang sa kanyang pagreretiro kung totoong may nakatago siyang bilyones sa bangko.

“Alam man ninyo pulitika, but just take my word for it, there is really none. Wala akong 200-211 na ganu’n. Hindi na ako tatakbo ng presidente, hanapbuhay. Pahinga na ako,” aniya. “Kung maniwala kayo sa kanilang… go ahead, believe them.”

Inilunsad ng Office of the Ombudsman kamakailan ang imbestigasyon sa kayamanan ng Presidente at ng kanyang pamilya batay sa plunder complaint na isinampa ni Senator Antonio Trillanes IV. Iniulat na kukunin ng anti-graft investigators ang reports mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa bank records ni Duterte.

May akusasyon si Trillanes na mayroong mahigit P2 bilyon si Duterte sa bangko ilang taon na ang nakararaan pero hindi umano ito idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.

Gayunman, itinanggi ng Presidente ang alegasyon at sinabing ni hindi niya alam kung saan nanakawin ang naturang napakalaking halaga.

“Corruption? Ay, susmaryosep! Tatagal ako ng 23 years magnakaw ng pera? Billions? Saan at saka sino ang nakawan ko ng billions?” sabi niya.

“Kung meron talaga, gagawain ko. Pero magnakaw ka lang, magporsiyento ka lang diyan ng one million, five, ay p***, sa inyo na ‘yan!” dagdag niya.

Gayunpaman, iginiit ng Pangulo na wala siyang pagtutol sa imbestigasyon ng Ombudsman sa kanyang mga transaksiyon sa bangko.

Pero bumuwelta ang Pangulo nang sabihing balak niyang bumuo ng komisyon na mag-iimbestiga sa alegasyon ng “partiality” at kurapsiyon sa Ombudsman.

Samantala, itinanggi ng AMLC na sa kanila nagmula ang mga dokumento sa bank records ng pamilya ni Pangulong Duterte.

Ayon sa AMLC, wala pa silang ibinibigay na impormasyon tungkol sa yaman ng pamilya ni Duterte.

Sinabi rin ng ALMC na hindi sila ang nagbigay ng dokumento o impormasyon kay Trillanes, na ginamit nito sa paghahain ng reklamo laban kay Duterte.

Inihayag na ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang na nakakuha na sila ng bank transaction records ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng pamilya nito.