Ni: Ric Valmonte
SA survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong nakaraang Hunyo, 54 porsiyento ng mga Pilipino ang hindi naniniwala na ang mga napatay sa war on drugs ay nanlaban sa mga pulis. Sa nasabi ring survey, 49% ang nagsabi na ang mga biktima ay hindi mga drug pusher. Pinalagan ng Malacañang at ng Philippine National Police (PNP) ang resulta ng nasabing survey. Leading at pointed question ang mga tanong na ipinasagot ng SWS, ayon sa Palasyo, kaya maaaring naimpluwensiyahan ang mga sagot ng mga tinanong. “Kung hindi nanlaban ang mga suspect, bakit 82 pulis at mahigit 200 ang grabeng nasugatan sa kanila sa aming kampanya laban sa droga?” tanong naman ni PNP Spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos.
Ano lang ba ang mga napatay at nasugatang pulis kumpara sa napakarami nang napatay na umano’y sangkot sa droga mula nang pairalin ang war on drugs ni Pangulong Duterte? Dahil ba sa mga napatay at nasugatang pulis, ang mga napatay sa war on drugs ay mga nanlaban? Ang problema sa nangyayaring patayan ay iisa ang disenyo. Mahirap tanggapin na ang istilo at pamamaraan ng pagpatay ay hindi scripted.
Napakadali sanang pabulaanan ito kung nagpakatotoo si PNP Chief Ronald dela Rosa sa kanyang pangako sa Senate Committee on Illegal Drugs na isusumite niya ang lahat ng spot report ukol sa mga nangyaring patayan sa pagpapatupad sa kampanya laban sa droga. Tahasan niyang sinabi kay Committee Chairman Ping Lacson na nakahanda na ang mga ito at isusumite na lang niya sa lalong madaling panahon.
Ipinangako rin ni Gen. Dela Rosa na ibibigay niya sa Commission on Human Rights ang mga case folder ng mga kasong napatay ng mga pulis sa anti-drug operation upang makagawa rin ito ng sariling imbestigasyon. Ang problema, hindi pumayag si Pangulong Digong nang hingan nito ng permiso para ibigay ang kopya ng spot report sa komite ni Sen. Lacson at case folder sa CHR. Ayon sa Pangulo, classified documents ang mga ito at may kaugnayan sa seguridad ng bansa.
Dahil sinarili ng administrasyon ang mga dokumento tungkol sa mga anti-drug operation killing, walang paraan para malaman ng taumbayan kung totoo ngang ang karamihan sa mga napatay sa war on drugs ay nanlaban sa mga pulis. Ang pinagbabatayan na lang nila ay ang sa akala nila ay ang normal na nangyayari. Ang balitang ginagamitan nila ng masusing pag-aaral ang nagbubunsod para makagawa sila ng sariling opinyon. Kaya, nang mabigyan sila ng pagkakataon upang ilabas ang kanilang saloobin, maluwag nila itong ibinigay sa mga gumawa ng survey. Ang survey ay naglalarawan ng tapat na saloobin at paniniwala ng sambayanan.