Nina MARY ANN SANTIAGO at JEFFREY G. DAMICOG

Nanindigan si Aegis Juris fratman John Paul Solano na inosente siya sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III at handa umano siyang patunayan ito sa pagharap sa tamang forum.

Ito ang sinabi ni Solano ilang minuto bago siya tuluyang makalabas mula sa kanyang selda sa Manila Police District (MPD), pasado 1:00 ng hapon kahapon.

Pinasalamatan niya ang mga pulis sa pagtitiyaga ng mga ito sa kanya habang siya ay nakakulong at muling nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya Castillo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Siniguro ni Solano na makikipagtulungan siya sa imbestigasyon at dadalo sa mga itinakdang pagdinig sa kaso.

“I will shed light to the preliminary investigations, I will tell the truth. I will prove my innocence by telling the truth,” aniya.

Pagsapit ng 12:00 ng tanghali kahapon, dumating ang mga abogado ni Solano sa MPD headquarters bitbit ang opisyal na kopya ng resolusyon at release order na inisyu ng Department of Justice (DoJ).

Hindi agad nakalabas sa selda si Solano dahil kinailangan pa niyang dumaan sa medical examination upang patunayang wala siyang pinsalang tinamo habang nasa kustodiya ng mga pulis.

SOLANO P’WEDENG TESTIGO—AGUIRRE

Nagpahayag ng kahandaan si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na tanggapin si Solano bilang testigo sa pagpatay kay Castillo.

Sa kabilang dako, nilinaw ni Aguirre na hindi inalok ng DoJ si Solano na isailalim sa Witness Protection Program (WPP).

“We have no offer to him,” ani Aguirre.

Inamin ni Aguirre na ikokonsidera ng DoJ na ilagay si Solano sa witness protection sa oras na hilingin nito.

“It is possible but he has not yet applied,” paliwanag ni Aguirre.

Samantala, ayon kay Acting Prosecutor General Jorge Catalan, Jr., inisyu kamakalawa ng DoJ ang resolusyon na nag-uutos na palayain si Solano mula sa pagkakapiit sa MPD at sumailalim sa preliminary investigation sa kasong isinampa laban sa kanya at sa 17 iba pa kaugnay ng pagkamatay ni Castillo.

“The release of the respondent would not mean he is already off the hook,” paniniguro ni Catalan.

“The preliminary investigation that would be conducted would only mean that he would have the opportunity or chance to file his answer,” paliwanag niya.

Samantala, sinabi ni Catalan na ang preliminary probe sa Oktubre 4-9.

“We will be creating a three-member panel to conduct the requisite preliminary investigation headed by prosecutor Susan Villanueva,” aniya.

AEGIS JURIS LIBRARY ININSPEKSIYON

Sa bisa ng search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court, ininspeksiyon kahapon ng mga tauhan ng MPD ang Fraternity Library (Frat Lib) ng Aegis Juris sa Sampaloc, upang makakuha ng mga posibleng ebidensiya laban sa mga taong nasa likod ng pagkamatay ni Castillo.

Sa naturang library sinasabing isinagawa ang hazing rites kay Castillo noong Setyembre 16 ng gabi.

Ayon kay MPD Spokesman Police Supt. Erwin Margarejo, may nakuha silang mga ebidensiya ngunit tumanggi munang ibunyag sa publiko kung anu-ano ang mga ito.

Kasama ng mga pulis ang mga miyembro ng media, kinatawan ng may-ari ng gusali at mga barangay officials nang isagawa ang inspeksiyon.