SA pagsisimula ng “ber” months ngayong buwan, pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na planuhing mabuti ang kanilang mga biyahe sa mga susunod na linggo at buwan hanggang sa mag-Pasko sa Disyembre, upang makaiwas sa matinding trapiko sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA). Karaniwan nang malala ang trapiko kapag ganitong panahon dahil sa kabi-kabilang sale ng naglalakihang shopping mall, na 16 ang nasa EDSA, ayon sa MMDA.

Sa unang bahagi ng linggong ito, daan-daang pasahero ang na-stranded sa Quezon City at Maynila nang magsagawa ng tigil-pasada ang mga jeepney driver na kasapi ng Stop & Go Transport Coalition bilang pagtutol sa jeepney modernization plan ng gobyerno. Layunin ng plano na palitan ng bago ang mga luma, kakarag-karag, at nagdudulot ng polusyon na mga jeepney, ngunit iginiit ng maraming jeepney operator na wala silang kakayahang bayaran ang bagong sasakyan, kahit pa nag-alok ng pautang sa kanila ang pamahalaan.

Sa kaparehong araw, sinabi ni Sen. Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, na posibleng magpatawag siya ng panibagong pagdinig kaugnay ng madalas na pagtirik ng Metro Rail Transit (MRT), tinukoy ang report ng Department of Transportation na mula noong Enero 2016 hanggang Hulyo 2017 ay may 3,824 na train removal, 833 insidente ng pagpapababa ng mga pasahero, 98 pagkaantala ng serbisyo, at anim na pagkadiskaril.

Ang magkakahiwalay na balitang ito ay pawang nakaugnay sa itinuturing ngayong pinakamalaking problema sa Metro Manila—ang matinding pagsisikip ng trapiko sa lahat ng oras. Tinaya sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na nasa P3 bilyon kada araw ang nalulugi dahil sa matinding trapiko.

Problema ito ng maraming opisyal at ahensiya ng gobyerno, ngunit pangunahin itong nakaatang sa balikat ni MMDA Chairman Danny Lim, na sa panayam kamakailan ay nagsabi, “It is really very hard to find a solution to the traffic problem when your cars are multiplying but the roads aren’t.” Tumaas ang bentahan ng sasakyan sa pinakamataas na 420,000 unit noong nakaraang taon, at 65 porsiyento ng mga sasakyang ito ay dumadaan sa Metro Manila.

Ang pangmatagalang solusyon ay kinabibilangan ng pagtatayo ng mas maraming kalsada, tulay, elevated at bypass highways, at subways, at planong isakatuparan ito ng administrasyong Duterte sa malawakan nitong programa na “Build, Build, Build”. Umapela rin si Chairman Lim para sa pagpapalawak ng kaunlaran sa Mega Manila “from Calamba to Angeles and everything in between.”

Subalit aabutin pa ito nang ilang taon. Sa kasalukuyan, sinabi ni Chairman Lim na pinag-aaralan ng MMDA ang mas marami pang agarang panukala, gaya ng paglimita sa bilang ng mga sasakyan sa lansangan sa hindi na pagpapabiyahe sa mga lumang sasakyan, pagpapalawak sa number coding scheme, at paglilipat sa mga bus terminal. Inimbitahan niya ang publiko na magmungkahi ng mga posibleng plano na maaaring pag-aralan, at ipatupad.

Mayroong iba pang mga agarang solusyon na hindi saklaw ng kapangyarihan ng MMDA, partikular ang pagpapabuti sa operasyon ng MRT upang mas marami pa sa daan-daang libo na magtutungo sa mga paaralan o trabaho ang makasakay dito.

Hangad namin ang tagumpay ni Chairman Lim sa napakahirap na responsibilidad na ito na nagdulot na ng kabiguan sa mga opisyal na hinalinhan niya. Nakatutuwa ang kanyang kahandaang tumanggap ng mga mungkahi mula sa mga karaniwang tao, gayundin ng pagtutol ng mga ito sa mga una nang naipatupad ng ahensiya. Tayo mismo ang makababatid kung epektibo ang solusyong ipatutupad, at inaasam nating simulan na ito sa lalong madaling panahon.