Ni: Fer Taboy

Nakubkob ng militar at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang teritoryo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Maguindanao, sa pagpapatuloy ng bakbakan laban sa grupong may alyansa sa teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

Kinukumpirma pa ng militar at ng MILF ang report tungkol sa umano’y pagkamatay ng BIFF leader na si Kumander Abu Torayfe.

Sinabi sa report na nakubkob ng MILF at militar ang teritoryo ng BIFF sa Sitio Butalo, Barangay Tee sa Datu Salibo, kung saan tatlong terorista ang napatay kabilang umano si Kumander Torayfe, bukod pa sa nakasamsam ng matataas na uri ng armas.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Ayon sa report, naglunsad ng air-to-ground assault ang militar laban sa BIFF sa Datu Salibo, at sumiklab ang engkuwentro.

Inihayag ni Lt. Col. Gerry Besana, commanding officer ng 6th Civil Military Operations Battalion, na gumamit sila ng 105mm howitzers cannon at mga air asset ng Philippine Air Force para bombahin ang ng mga terorista, bukod pa sa suporta sa ground force ng Philippine Army at MILF.

Ayon kay Besana, Agosto 2 nang sumiklab ang bakbakan na nagpapatuloy hanggang ngayon, at umaabot na sa 68 ang nasawi sa BIFF, at 21 naman sa MILF.