Ni: Leonel M. Abasola at Mario B. Casayuran

Isusulong ni Senador Antonio Trillanes IV ang pagpapatalsik kay Senate President Aqulino Pimentel III kapag hindi nito palitan si Senador Richard Gordon bilang chairman ng Senate blue ribbon committee.

Ayon kay Trillanes, pinayagan ni Pimentel si Gordon na proteksiyunan si Pangulong Duterte at ang pamilya nito kaugnay ng umano’y extrajudicial killings at smuggling sa Bureau of Customs (BoC).

“I will put the responsibility kay Senator Koko Pimentel kapag hindi nila tinanggal si Senator Gordon… Kumbaga I am working very hard para mapalitan si Senator Pimentel, not because of Senator Pimentel per se but because of Senator Gordon,” ani Trillanes.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

PLUNDER VS GORDON

Nagbanta rin si Trillanes na sasampahan niya ng plunder case si Gordon kaugnay ng pamumuno nito sa Philippine Red Cross.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Trillanes na unti-unti nang umuusad ang kanyang mga reklamo laban kay Pangulong Duterte matapos kumpirmahin ng Office of the Ombudsman na ang mga dokumentong isinumite sa kanila ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa mga bank account ng Pangulo ay “more or less” katulad ng kanyang mga inilantad sa publiko.

WALA SA PLANO

Siniguro naman kahapon ng Senate minority group na walang plano na alisin sa puwesto si Pimentel, pagtitiyak kahapon ni Sen. Francis “Kiko’’ Pangilinan.

Ito ang ipinahayag ni Pangilinan matapos magprotesta ang pitong senador, kabilang si Pimentel, sa Senado nitong Miyerkules sa inilarawan ng isa sa kanila na “prostitusyon” ng Senate resolution na hindi nila nilagdaan at humiling sa gobyerno na itigil ang umano’y extrajudicial killings (EJKs) sa Pilipinas, lalo na sa mga hanay ng kabataan.

Si Pangilinan ang presidente ng Liberal Party (LP) na ang mga miyembro ay sina Senators Franklin Drilon, Bam Aquino IV, Ralph Recto, at Leila de Lima. Suportado rin nina Trillanes at Sen. Risa Hontiveros ang LP.

Sa nasabing resolusyon, na pirmado ng 16 na senador, sa pangunguna nina Pangilinan at Drilon, hinihikayat ang gobyerno na gawin ang mahahalagang hakbang upang matuldukan ang patayan, lalo na sa mga bata.