Ni REGGEE BONOAN
MEANINGFUL ang birthday gifts na natatanggap ng dating direktor ng mga programa ng Dreamscape Entertainment na si Erick Salud na business unit head (BUH) na ngayon -- ang The Good Son ang unang project niya, kaliwa’t kanang magagandang review at mataas na ratings kahit ito ang pinakahuling umeere sa local TV series sa primetime.
Nakilala namin si Erick bilang executive producer ng ASAP, The Maricel Drama Special, Richard Loves Lucy at iba pa hanggang sa naging direktor ng maraming TV programa (1998–2016).
Ayon kay Erick, hindi siya nagsawang magdirek kundi gusto lang niyang balikan ang una niyang passion, ang pagpo-produce, kaya kumuha siya ng masteral sa business administration.
Ang isa sa nag-influence sa kanyang magdirek ay ang namayapang si Direk Wenn Deramas.
“Kasama rin sina Direk Ruel Bayani, Direk Lauren (Laurenti Dyogi), kaya na-enjoy ko rin lalo na sa drama, kaya nandito ako sa drama. Kaya nga ang first show ko as business unit head is under Dreamscape, itong The Good Son,” kuwento ni Erick nang makatsikahan namin sa blogcon ng kanyang programa.
Ano ba ang ginagawa ng isang business unit head?
“Minsan pupunta sa tapings lalo na pag-pilot taping, kailangan mong pumunta sa set kapag kakausapin mo ang mga artista, babantayan. Pero mostly talaga, magbabantay sa editing, sa scripting and all. So mas malawak ang scope ng work,” sagot nya.
Sa Dreamscape Entertainment, ang pinaka-big boss ay si Deo T. Endrinal sabi ni Erick, “Senior business unit head si Julie Ann (Benitez), ‘tapos si Kylie (Manalo-Balagtas), ‘tapos ako. At ang head ng creative namin si Rondell (Lindayag).”
Hirit namin, business unit head din si Rondell.
“Oo, pero mas gusto na niyang mag-head (ng think-tank) na lang, BUH pa rin siya pero sa creative talaga kasi lumalaki na ‘yung creative department ng Dreamscape, kailangan talagang doon siya nakatutok,” paliwanag ng bagong boss.
Nagsusulat ba siya ng script?
“Minsan kapag kailangang mag-revise, kasi minsan ang mga writers nagsusulat din ng scripts for the following day’s taping, so kaming mga direktor talaga na-train, so marunong talaga. Saka before I used to write for MMK (Maalaala Mo Kaya), Star Drama, Wansapanataym.”
Sa madaling sabi, all-around ang isang BUH, kahit saan ilagay ay kayang mag-troubleshoot.
Alin ang mas challenging, magdirek o maging BUH?
“Actually pareho, kasi ang direktor, ikaw ‘yung total commander on the set, the show, the vision and everything.
Ngayon as business unit head, mas nag-level up kasi hindi lang creative, pati administrative side. Both ‘yun pinagsama,” paliwanag ni Erick.
Siyempre, inusisa namin, Bossing DMB kung sino ang mas malaki ang kita – ang direktor o ang business unit head? Kasi ang pagkakaalam namin, mas malaki ang una na per taping day ang bayad, unlike BUH na per project o nakapakete na ang bayad.
Kaya nga mas gusto ng iba na magdirek sa telebisyon kasi per day ang bayad kumpara sa pelikula na isang bagsakan.
“Pareho lang, pero mas malaki nga ang direktor, ha-ha-ha! Pero iba rin kasi ‘yung benefits sa BUH kasi regular employee na. Kasi nu’ng direktor ako, naka-contract ako as director, ngayong BUH na ako, naka-contract ako as regular employee,” paliwanag ni Erick.
Inalam din namin kung paano niya inaayos ang mga artistang nagkakaproblema o pasaway kung minsan sa set.
“Minsan, punta ako sa set kinakausap ko sila, ‘pag busy sila, I go straight to their managers. Pero kung kaya namang kausapin, kinakausap ng diretso. Tumitino naman ‘yung may mga attitude na dapat lang kasi may mga sanctions na ‘binibigay sa kanila.
“Saka hindi puwedeng hindi sila tumino kasi ang daming madadamay, ‘yung shows, characters nila, production staff, mga ganu’n,” sabi pa ng TV executive.
Early 2016 humintong magdirek si Erick ng Doble Kara at naging production manager na siya na isinabay na niya sa pagkuha ng masteral.
Anyway, going back to The Good Son, nabanggit ni Erick na subaybayan namin ang programa dahil maganda ang kuwento at magagaling lahat ng artista.
Mula sa amin dito sa Balita, maligayang kaarawan, Erick Salud!