Ni: Mary Ann Santiago

Hindi “institutionalized” ang nangyayaring patayan sa bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ito ang naging tugon ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta nang hingian siya ng reaksiyon sa resolusyon ng Senado na layuning imbestigahan ang mga patayan sa bansa, partikular na ang pamamaslang sa mga menor de edad, upang matukoy kung “institutionalized” ba ito o hindi.

“Walang institutionalized,” sinabi ni Acosta nang dumalo sa isang forum sa San Juan. “Otherwise, wala na kaming clients, wala na kaming gagawin.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bilang patunay, aniya, sinabi ni Acosta na sa ngayon ay mayroong 80,000 kasong may kaugnayan sa ilegal na droga ang hawak ng PAO, at ang kanilang mga kliyente ay pawang buhay.

Kumpiyansa rin si Acosta na pro-human rights ang Pangulo, at ito mismo ang nagsabi na hindi lehitimo ang operasyon ng pulisya kapag pinatay ng mga ito ang mga taong nakaluhod at nagmamakaawa para sa sariling buhay.

Ang PAO ang humahawak ng kaso ng mga napaslang na menor de edad na sina Kian Lloyd delos Santos, 17; at Carl Angelo Arnaiz, 19, na kapwa pinatay ng mga pulis, gayundin ang kaso ng pagpatay sa 14-anyos na si Reynaldo de Guzman, at kay Michael Angelo Remecio, 16 anyos.