Ni: Rizaldy Comanda
BAGUIO CITY – Inaprubahan ng city council sa first reading ang panukalang ordinansa na kapag tuluyang pinagtibay ay magbabawal sa mga lasing na sumakay sa mga public utility vehicle (PUV), gaya ng jeepney at bus.
Paliwanag ni Councilor Joel Alangsab, ilang lasing na pasahero ang nagiging bastos, nanggugulo, nag-iingay at minsan ay nagiging bayolente pa dahil nawawalan na ng kontrol sa sarili.
Sa panukalang ordinansa, maituturing na lasing ang isang tao na wala na sa katinuan ang mga ginagawa at sinasabi dahil na rin sa matinding impluwensiya ng alak.
“For the safety of the riding public, the ordinance provides and promotes safety or protection of passengers against unscrupulous, undisciplined, bully or drunk passengers who are unruly and this drunk passengers will not be allowed to board public utility vehicles in the city,” sabi ni Alangsab.
Kapag tuluyang naaprubahan, ang ordinansa ay ipatutupad ng mga operator, driver, samahan ng mga operator at driver, mga kumpanya ng bus, mga barker at kundoktor ng mga pampasaherong sasakyan sa siyudad, kasama na ang mga nagmamantine at nagsasaayos ng mga terminal.
Nakasaad pa sa panukala na ang mga lasing na pasahero na pagbabawalan sa mga pampublikong sasakyan ngunit ipagpipilitang sumakay ay kaagad na ire-report sa mga itinalaga ng pulisya upang hulihin, ngunit sakaling sumakay ang lasing nang hindi alam ng driver, ng barker o konduktor, obligado ang tsuper na ibaba ang lasing na pasahero sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.
Pagmumultahin naman ang lasing ng P500-P5,000, o kaya naman ay ikukulong ng hindi hihigit sa anim na buwan.