Ni Edwin Rollon
PSC Board vs Cojuangco; Kasong ‘corruption’ inihahanda.
DAPAT na bang kabahan si Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco? Posible.
Hindi lang si sports commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez bagkus ang buong Board of Commissioners ng Philippine Sports Commission (PSC) ang nagkakaisa para papanagutin ang POC chief sa hindi maipaliwanag na ginastos sa 2005 SEA Games hosting at sa milyones na ‘unliquidated expenses’ na nakuha sa ahensiya sa loob ng nakalipas na anim na taon.
“Hindi na ito laban ni Com. Mon (Fernandez), laban ito ng atletang Pinoy, at ng pamahalaang Duterte para sa katiwalian,” pahayag ng dating PBA superstar.
Nilagdaan nitong Martes nina PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, at mga commissioners na sina Arnold Agustin, Charles Raymund Maxey at Fernandez ang PSC Board Resolution No. 106-97 bilang pagsuporta sa inisyatibo ni Fernandez na labanan ang korapsyon sa sports at habulin na maibalik ang P27 Milyon na idineklara ng Commission on Audit (COA) na ‘unliquidated’ mula sa pondo ng 2015 SEA Games hosting.
Tanging si Commissioner Celia Kiram, kasalukuyang nasa Ashgabat, Turkmenistan bilang bahagi ng Team Philippines sa Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG), ang walang lagda sa resolusyon, ngunit sinabi ni Fernandez na nagpahayag ito ng suporta sa desisyon ng Board.
“Resolved further, to demand that the Philippine Olympic Committee (POC) to return the amount of P27 million financial assistance from the Commission for the hosting of the 2005 SEA Games disallowed by the Commission on Audit,” nakasaad sa resolution.
Sa naturang resolusyon, pinagtibay din ng PSC na bigyan ng ‘deadline’ hanggang Disyembre 1, 2017 ang lahat ng mga national sports association (NSA) na kumpletuhin ang kanilang ‘unliquidated report’.
“We need to pressure them. Kung hindi nila kayang mag-liquidate, huwag na silang umasang maglalalaan kami ng pondo para sa kanilang sports. Puwede naman naming ibigay yung financial expenses direkta sa mga atleta, at least sa ganitong paraan nasa amin ang burden,” pahayag ni Ramirez.
Walang naibigay na opisyal na listahan ng mga NSA na may ‘unliquidated ‘ sa PSC, ngunit sinabi ni Ramirez na hindi mangigimi ang ahensiya na putulin ang pagbibigay ng pinansial na tulong sa mga ito kung hindi tatalima sa ibinigay na ‘deadline’.
Sa panayam ng Manila Bulletin, sinabi ni Cojuangco na tapos na obligasyon niya sa SEA Games liquidation noon pang 2009.
“We’ve been cleared before I don’t know why this issue has come up again,” sambit ni Cojuangco.
Sa usapin na posibleng maging daan ang kaganapan para masuspinde ang Pilipinas sa International Olympic Committee (IOC), sinabi ni Ramirez na hindi ‘government intervention’ ang kanilang ginagawa bagkus bahagi ng kanilang tungkulin para mapangalagaan ang pondo ng taong-bayan.
“Some said we’re courting suspension due to government intervention. Malabo yata ‘yan, may mandato kami na silipin kung napunta ba sa tama yung pondong ibinigay ng pamahalaan.
Dahil sa ayuda ng Board, pormal na rin na hiniling ni Fernandez sa pinadalang sulat kay Atty. Blesildo Sabaldan, Director III ng Fraud Audit Office, Special Services Sector ng Commission on Audit (COA), na may petsang Sept. 26, 2017, na magsagawa nang ‘fraud audit’ sa lahat ng financial transaction ng PSC mula Hulyo 1, 2010 hanggang Hunyo 30, 2016.
“Per attached documents, many transactions/disbursements are highly questionable and still unliquidated for several years,” pahayag sa sulat ni Fernandez.
Ayon kay Fernandez, mahahalukay ng COA ang milyon na ginastos ng POC sa iba’t ibang programa at event na hindi na sana sakop ng pamahalaan ngunit nagawang maipalabas sa dating Board na pinamumunuan ni dating chairman Richie Garcia, kilalang malapit na kaibigan ni Cojuangco.
“Dito mahahalungkat na natin lahat. Wala tayong sasalangin dito, kung may makitang pagkakamali kasama sila (dating PSC officials) sa idedemanda natin,” pahayag ni Fernandez.
Kamakailan, nagsagawa rin ng protesta ang mga sports official at atleta mula sa iba’t ibang sports para manawagan sa pagbibitiw ni Cojuangco bunsod umano ng ‘mismanagement at corruption’.