Ni: Rommel P. Tabbad
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Office of the Ombudsman sa yaman ng pamilya ni Pangulong Duterte, na sinasabing aabot sa bilyun-bilyong piso.
Sinabi ni Over-all Deputy Ombudsman Arthur Carandang na ang kanilang hakbangin ay batay sa reklamong inihain ni Senator Antonio Trillanes IV na nagsasabing nagkamal umano ng bilyun-bilyong piso ang pamilya ng Pangulo noong presidential campaign.
Binanggit ni Carandang na inaprubahan nito ang kahilingan ng Deputy Ombudsman for Mindanao upang makapangalap ng mga dokumento, kabilang na ang paghingi ng final report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng mga bank transaction ng pamilya ng Pangulo noong alkalde pa ito ng Davao City.
Nauna nang inamin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na ipinagkatiwala na niya kay Carandang ang pagsasagawa ng pagsisiyasat sa usapin.
Nag-inhibit na si Morales sa nasabing imbestigasyon dahil pamangkin niya ang asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na si Atty. Manases Carpio.
Una nang itinanggi ng Pangulo ang alegasyon at sinabing nanggaling ang kanilang yaman sa pinagbentahan ng lupaing minana nila sa kanilang ama na si Vicente Duterte, na dating gobernador ng Davao.