Ni: PNA

MAGTATANGHAL ang Tribu Salognon, ang kampeon sa paligsahang Dinagyang Festival Ati-ati ngayong taon, sa Anseong Namsadang Baudeogi Festival sa South Korea ngayong linggo.

Martes ng gabi nang bumiyahe ang mga opisyal at miyembro ng Dinagyang Foundation, Inc., sa pangunguna ng presidente nitong si Ramon Cua Locsin, patungong South Korea upang lumahok sa tanyag na taunang kapistahan.

Kapalit nito, magtatanghal naman ang grupo ng mananayaw ng Anseong-si sa ika-50 Dinagyang Festival sa Enero 2018.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Taong 2016 nang magtanghal din ang nasabing grupo sa Dinagyang Festival makaraang lumahok din ang mga mananayaw na Pinoy sa Anseong-si festival noong 2015.

Ang matagumpay na palitan ng kultura ay epekto ng mabuting pagkakaibigan sa bisa ng kasunduang nilagdaan ng Iloilo City at ng Anseong-si.

Inihayag din ni Locsin nitong Biyernes, kasunod ng paglulunsad ng 2018 Dinagyang Festival, na isa sa mga pangunahing tampok sa selebrasyon ang isang pandaigdigang cultural show.

Kabilang dito ang pakikibahagi ng Anseong Namsadang Baudeogi Festival at Kapa haka, o ang tradisyunal na Maori performing arts ng New Zealand.

Itatanghal naman ng Miss Hawaii-Philippines ang tradisyunal na Hawaiian dance, samantalang itatampok din sa okasyon ang mga sayaw mula sa China at Spain.

Sinabi ni Locsin na magpapadala rin ng liham ang Dinagyang Foundation, Inc. sa Embahada ng Amerika upang imbitahan din sa okasyon ang grupo ng mananayaw mula sa nasabing bansa.

Sa Nobyembre ngayong taon, makikibahagi rin ang isang tribung Dinagyang sa Farmer’s Parade sa Auckland, New Zealand.

“Dinagyang prides itself in evolving innovative ideas but keeping faith with traditional values. The challenge for committees is to come up with events with extraordinary presentations,” sinabi ni Locsin sa paglulunsad ng Dinagyang kamakailan.