LIBU-LIBONG tao ang nagtipun-tipon sa campus ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) para sa pangkalahatang pagsasama-sama ng isang organisasyon na nangakong magbabahagi ng umano’y yaman ng mga Marcos. Bitbit nila ang mga kopya ng isang pamphlet na pumupuri sa mga nagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos na nabili nila sa halagang P30 bawat isa.
Dumating sila sakay sa mga nirentahang bus at jeepney mula sa mga lalawigan, karamihan ay sa Southern Luzon.
Sinabihan silang ipamamahagi ni Pangulong Marcos ang kanyang yaman sa mga Pilipino kaya hiniling ng mga organizer na magrehistro ang mga dumagsa upang maging kuwalipikado sa bahagi ng nasabing yaman—at tumanggap ng P10,000 kada buwan sa susunod na apat na taon. Hinimok din silang mag-imbita ng iba pang mga kakilala upang sumapi sa organisasyon.
Itinanggi ni dating Senador Ferdinand Marcos Jr. na may kinalaman ang kanyang pamilya sa nasabing organisasyon at sa pagtitipon sa Los Baños. Iyon ay isang “scam, pure and simple”, aniya.
Ang insidente sa UPLB ang huling pagtatangka ng masasamang indibiduwal na gamitin ang pamilya Marcos at ang umano’y yaman ng mga ito upang paniwalain ang publiko na ibabahagi ng pamilya ang pera kapalit ng libu-libong pisong makukubra.
Nasa 31 taon na ang nakalipas nang magwakas ang administrasyong Marcos, subalit nananatili itong kontrobersiyal hanggang ngayon. Ang walong taon sa dalawang termino na pinapayagan sa Konstitusyon noong 1935 ay nakatakdang magwakas ng 1973 kaya idineklara ni Marcos ang batas militar noong Setyembre 21, 1972, upang, ayon sa kanya, ay mapigilan ang plano ng mga Komunista na kubkubin ang bansa. Ipinasara niya ang Kongreso at ipinadakip ang maraming opisyal ng oposisyon, gayundin ang ilang kilalang mamamahayag.
Nagpasya siyang mamuno sa pamamagitan ng mga Presidential Decrees, Letters of Instruction, at Executive Orders, na karamihan ay nananatiling may bisa hanggang ngayon, isang patunay ng kahusayan niya bilang abogado. Subalit lumala ang pagpapairal ng batas militar sa mga sumunod na taon, dahil libu-libong tao ang itinuring nang mga kaaway ng estado at ipinakulong silang lahat, kung hindi man biglaan na lamang naglaho. Opisyal na binawi ang batas militar noong 1981, subalit nanatiling matindi ang kontrol ni Pangulong Marcos sa pamahalaan hanggang sa mangyari ang EDSA People Power Revolution noong 1986.
Halos naglaho na ang henerasyong naging saksi at nagdusa sa panahon ng batas militar. Karamihan sa mga Pilipino ngayon ay walang nalalaman sa bahaging ito ng ating kasaysayan. Ilang detalye sa mga libro tungkol sa kasaysayan ang binatikos sa pagbibigay ng maling impormasyon at kawalang katotohanan sa mga tunay na nangyari. Tinukoy ni Education Secretary Leonor Briones, nang magtalumpati siya kamakailan sa First National Assembly of Education Leaders sa Philippine International Convention Center, na kabilang sa mga alegasyon sa mga libro sa eskuwelahan sa ngayon “do not reflect much about what martial law is all about.” Sinabi niyang sinimulan na ang pagbusisi sa mga libro ng kasaysayan, na kinatatampukan ng mga detalye tungkol sa panahon ng batas militar.
Kung ang opisyal na tala na mababasa sa mga libro sa mga paaralan ay hindi maaasahan, mapagninilayan natin ang paghihirap na dinaranas ngayon ng mga karaniwang tao. Kabilang sa kanila ang mga taong nagtipun-tipon sa UPLB campus nitong Sabado, nagsipagwagayway ng mga Marcos pamphlets na binili nila ng P30 bawat isa sa pag-asang makaaamot kahit paano sa yaman ng mga Marcos, gaya ng ipinangako ng mga organizer.
Tunay na isa itong scam, gaya ng sinabi ni dating Senator Marcos, at bahagi ito ng lantarang plano ng pagpapakalat ng kawalang katiyakan, maling impormasyon, at hayagang panloloko. Posibleng abutin pa ng ilang taon bago maiwasto ang detalye ng panahon ng batas militar sa mga librong pampaaralan at sa mismong tala ng kasaysayan.
Sa ngayon, hinihimok natin ang mga opisyal ng gobyerno na tutukan ang mga scam na bumibiktima sa libu-libong katao na pinapangakuang mababahaginan ng yaman ng mga Marcos.