Ni: Reggee Bonoan
MASUGID ang pagsubaybay ng televiewers sa Ikaw Lang Ang Iibigin (ILAI) nina Kim Chiu at Gerald Anderson. Ngayon, may protesta ang Kimerald dahil pinaghiwalay sila at pumasok na si Arci Muñoz bilang kaagaw ni Kim.
Sa episode ng ILAI nitong Lunes, naghiwalay na sina Gabriel (Gerald) at Bianca (Kim) para sa ikatatamik nila pareho dahil nga ginugulo sila parati ni Rigor (Daniel Fernando).
Sa tuwing nagkikita kasi sina Gabriel, Bianca at Rigor ay kumukulo ang mga dugo nila na palaging nauuwi sa away.
Bukod dito, may suspeta si Bianca na si Rigor ang pumatay sa nanay niyang si Maila (Bing Loyzaga). Gayundin si Gabriel na galit na galit sa kinikilalang amang si Rigor dahil sa paniniwalang pinatay nito ang kinikilalang inang si Victoria (Ayen Munji-Laurel).
Sa kabilang banda, hindi na malaman ni Carlos (Jake Cuenca) ang gagawin dahil sukol na sila ng tunay niyang amang si Rigor kaya kailangan niya ng kausap. Nabanggit niya kay Isabel (Coleen Garcia) ang katotohanan sa tunay niyang ama at may kinalaman sila sa pagkamatay ni Maila (Bing).
Bagamat nagulat ay hindi naman nagpahalata kay Carlos si Isabel dahil baka hindi na siya pagkatiwalaan at mukhang may ibang plano rin ang dalaga sa binata na hindi naman niya gusto talaga.
Samantala, pinaiimbestigahan na ni Roman (Michael de Mesa) sa mga pulis si Rigor dahil naniniwala siyang may kinalaman ito sa pagkamatay at pagkapilay ni Maila (Bing).
Ang tanong, sino naman ang tumulak kay Victoria (Ayen) na ikinahulog niya sa building at ikinamatay?
Sa tumatakbong kuwento, mukhang si Arci Muñoz na bagong boss ni Gabriel ang magiging ka-love triangle nila ni Kim.