Ni: Mary Ann Santiago
Masusing iniimbestigahan ng awtoridad ang pagkamatay ng isa sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na natagpuang may tama ng bala sa kanyang dibdib sa loob ng kanilang quarters sa PSG Complex sa Malacañang Park, sa Paco, Maynila kahapon.
Sa ulat ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), kinilala ang biktima na si PSG officer Army Major Harim Gonzaga, 37, na nakatalaga sa bilang chief operation ng OG3 at nag-aasikaso ng mga schedule of activities ng PSG, at nakatira sa 73 PSG Complex sa Malacañang Park.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ni Sheila, misis ni Gonzaga at nagtatrabaho bilang presidential escort ng PSG, ang bangkay ng biktima sa loob ng kuwarto ng kanilang quarters, bandang 8:50 ng umaga.
Ayon kay Sheila, bago niya natagpuang patay ang mister ay nagpaalam pa siya rito na papasok na siya sa trabaho.
Aniya, inaasahan niyang maliligo na rin ang biktima upang pumasok sa trabaho ngunit laking gulat niya, sa kanyang pag-uwi, nang madatnan na wala nang buhay at may tama ng bala ng baril sa dibdib ang mister.
Ayon naman kay PSG Chief B/Gen Lope Dagoy, wala pang resulta ang imbestigasyon at narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang .45 caliber pistol, na umano’y personal na baril ni Gonzaga, sa pinangyarihan.