NI: Gilbert Espena

ITATAYA ni Pinoy boxer Ronnie “Jong Jong” Baldonado ang kanyang interim WBO Oriental flyweight title laban sa knockout artist na si Iwan “Sniper” Zoda ng Indonesia sa Biyernes (Setyembre 29) sa Beijing, China.

Natamo ni Baldonado ang kanyang titulo nang patulugin sa 1st round si Chinese Yiming Ma noong Abril 27 sa National Olympic Sports Center Gym sa Beijing.

Dati namang interim WBO Asia Pacific flyweight titlist si Zoda na nakatikim na ng kabiguan sa Pinoy nang mapabagsak ni Robert Onggocan sa ikapitong round nang magharap para sa IBF Youth flyweight title noong Enero 28, 2016 sa sagupaan sa Ngabang, Indonesia.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

May rekord si Baldonado na 9-0-1,na may 6 panalo sa knockouts samantalang may kartada si Zoda na 14-2-1na may 13 pagwawagi sa knockouts.

Sa undercard ng laban, makakaharap ni dating WBO Asia Pacific welterweight champion Jay Inson ng Pilipinas si Yangcheng Jin ng China, samantalang magtutuos sina one-time world title challenger Genesis Libranza ng Pilipinas at Yujie Zeng ng China.