Ni: Manny Villar

SINABI minsan ni Ronald Reagan, ang namayapang dating pangulo ng Estados Unidos ang ganito: “Ang isang dakilang pinuno ay hindi siyang gumagawa ng mga dakilang bagay, kundi ang nag-uudyok sa mga tao na gumawa ng dakilang bagay.”

Marami na tayong narinig ukol sa terminong pamumuno, at may mga manunulat na kumita nang malaki dahil sa mga aklat na kanilang isinulat tungkol sa pamumuno. Alam nating lahat, ngunit ‘tila hindi tayo nagkakasundo tungkol dito, bagamat lahat ay naniniwala na mahalaga ang pamumuno sa anumang larangan, gaya ng paaralan, negosyo, pulitika o pamilya.

Hindi ako dalubhasa sa paksang ito, at ang isinusulat ko ay batay sa aking sariling karanasan sa pamahalaan at sa pribadong sektor. Pinalad ako na maranasan ang pamumuno sa 21 taon na ipinaglingkod ko sa pamahalaan at sa buong buhay ko bilang isang entrepreneur. Pinangunahan ko ang dalawang kapulungan ng Kongreso: una ay bilang Speaker ng Mababang Kapulungan at pagkatapos ay Pangulo ng Senado. Pinatatakbo ko rin ang sarili kong negosyo—ako ang tagapangulo ng Vista Land and Lifescapes, Inc., isang kumpanya na ako rin ang nagtayo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang mga karanasang ito ang nagbigay sa akin ng ilang katangian ng pamumuno, na nais kong ibahagi sa aking mga mambabasa.

Ang pinakamahalagang bagay ay ang magaling na pamumuno. Ang pagiging pinuno ay hindi lamang isang posisyon sa isang organisasyon kundi ang pagkilala sa galing at dedikasyon. Ito lamang ang pamantayan ng tunay na pamumuno.

Kaya nga mahalaga na magkaroon ng vision o pananaw sa hinaharap ang mga pinuno. Ayon kay Warren Bennis, iginagalang na iskolar sa pamumuno at pamamahala, ang pamumuno ay ang kapasidad na isalin ang pananaw sa katotohanan.

Sa ibang salita, ang pananaw ay isang pangarap na nagsisilbing inspirasyon. Lahat tayo ay nangangarap, ngunit ang pananaw ay isang inspirasyon para kumilos. Kung may nakikitang mali o isang kakulangan, kailangang gumawa at itulak ang iba na gumawa upang malunasan ito.

Nang magsimula ako bilang isang entrepreneur, ang una kong pananaw ay matugunan ang pangangailangan ng aking pamilya at ang aming kinabukasan. Sa pagdaan ng panahon, ang personal na pangarap ay lumawak, at nakita ko na matutulungan ng aking kumpanya ang ibang tao na makamit ang pangarap nilang magkaroon ng sariling tahanan.

Nagsimula akong mangarap na maging pinakamalaking kumpanya sa pabahay sa buong bansa. Ngayon, hindi lamang bahay ang itinatayo ng Vista Land kundi mga komunidad, na tinatawag naming communicities. Tinutulungan namin ang mga tao na matupad ang kanilang mga pangarap.

Nang pasukin ko ang pulitika noong 1992, ang sarili kong pangarap ay naging pangarap para sa bayan—ang pagtagumpayan ang pakikibaka sa kahirapan. ... Hindi maaaring maging isang pinuno ang isang tao na walang pananaw na nagsisilbing inspirasyon sa iba. Mahalaga rin ang kakayahan na maisalin ang nasabing pananaw sa ibang tao, at mapaniwala sila na karapat-dapat na isulong ang isang pangarap.

Ito ang katangian nina Mahatma Gandhi at Martin Luther King, na nagsilbing inspirasyon sa ibang tao upang isakripisyo maging ang sariling buhay upang maabot ang pangarap. Ito rin ang katangian ni Andres Bonifacio upang pangunahan ang isang rebolusyon na humamon sa mahigit 300 taon ng pananakop ng dayuhang kapangyarihan. Lahat sila ay nangarap, at naakit ang mga tao na maniwala sa kanilang pangarap.

(Itutuloy)

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)