Ni: Ben R. Rosario

Bumoto ang House of Representatives nitong Martes ng gabi para pagtibayin at isumite para sa paglalagda ng Pangulo ang panukalang batas ng Senado na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Mayo, 2018.

Sa kanyang regular na sesyon, in-adopt ng mga mambabatas ng Kamara ang Senate Bill 1584 bilang amendment sa House Bill 6308, kaya’t nangangahulugan na hindi na kailangang bumuo ng Mababang Kapulungan at ng Senado ng bicameral conference committee upang pagtugmain ang mga probisyon ng kani-kanilang mga panukalang batas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakasaad sa SB 1584 ang pagbabago sa mga batas na nagtatakda sa halalan sa barangay at SK sa susunod na buwan.

Hinihiling nito na idaos ang eleksiyon sa ikalawang Lunes ng Mayo 2018.

Nilalalaman na ngayon ng HB 6308 ang kaparehong mga probisyon na nakapaloob sa SB 1584.

Isinulong ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas ang adoption ng bersiyon ng Senado sa panukalang ipagpaliban ang BSKE. Walang tumutol sa hakbang.

Nakasaad sa consolidated version ng panukalang batas na ang lahat ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay at kabataan ay mananatili sa kanilang mga puwesto sa holdover capacity hanggang sa sila ay mapalitan ng mga bagong opisyal na ihahalal sa Mayo. Ang mga susunod na eleksiyon ay idadaos na rin sa ikalawang Mayo ng 2020 at kada tatlong taon pagkatapos nito.

Ipapasa na ngayon ang panukalang batas sa Malacañang para sa paglalagda ni Pangulong Rodrigo Duterte.