Ni: Orly L. Barcala at Beth Camia
Nanindigan ang dating hepe ng Caloocan City Police-Station 7 na sangkot sa ilegal na droga si Kian Loyd Delos Santos.
Sa counter-affidavit ni Police Chief Inspector Amor Cerillo, buhay pa sana si Delos Santos kung hindi ito nasangkot sa illegal drug activities sa kanilang lugar sa Barangay 160, Barrio Libis, Caloocan City.
Sinisi ni Cerillo ang mga pulitiko na umano’y nakisawsaw at nagpalaki sa isyu ng pagkamatay ni Delos Santos.
Maging ang media ay binuweltahan din ng opisyal.
“The problem is that the media and the grandstanding politicians pictured Kian delos Santos before the public as an innocent minor but the truth of the matter is that Kian Loyd delos Santos is indeed a drug courier. This is no longer surprising because it is a public knowledge that minors are being used by criminal syndicates in perpetrating crimes, particularly illegal drug trade,” sabi pa ni Cerillo.
BAGCAL MALABO BILANG STATE WITNESS
Tuluyang lumabo ang posibilidad na maging state witness si Tomas Bagcal na siyang taxi driver na sinasabing hinoldap ni Carl Angelo Arnaiz.
Ayon kay Public Attorneys’ Office (PAO) chief Persida Acosta, hindi nagbago ang paiba-ibang pahayag ni Bagcal kaya hindi na ito maaaring gawing state witness.
Sa Oktubre 10 itinakda ang unang preliminary investigation sa Department of Justice (DoJ) sa kaso ng pagpatay kina Arnaiz at Reynaldo de Guzman.