Ni: Mary Ann Santiago
Umaasa si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na malalagdaan ni Pangulong Duterte ang panukala sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) bago sumapit ang Oktubre 1, ang simula ng election period.
Una rito, tinanggap ng Kamara de Representantes ang bersiyon ng panukala ng Senado kaya hindi na ito dadaan pa sa bicameral conference committee.
Ito ang hihintaying malagdaan ni Pangulong Duterte upang maging ganap na batas.
Sa kabila nito, tatapusin pa rin ng Comelec ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin sa Luzon at Visayas para sa BSKE.
Ayon kay Bautista, sa katapusan ng kasalukuyang buwan ay matatapos na ang National Printing Office sa pag-iimprenta sa mga kakailanganing balota para sa Luzon at Visayas.
Matatandaang sinabi noon ni Bautista na hindi masasayang ang iimprentang balota dahil maaari naman itong gamitin sa susunod na taon.