Ni: Celo Lagmay
BILANG pakikidalamhati sa kamatayan ni Horacio “Atio” Castillo III, hindi ko na sasalingin ang mga detalye ng malagim na initiation rites na kumitil sa kanya. Manapa, nais ko na lamang ulit-ulitin ang aking katanungan: Bakit kailangang may mamatay sa initiation rites o pagtanggap ng mga kasapi sa mga kapatiran o fraternity? Nakatakda ngayon ang paghahatid sa huling hantungan ni Atio.
Ang ganitong pangamba ay nakaangkla sa mahigpit na pagbabawal ng batas sa nakakikilabot na pagpaparusa o hazing sa mga neophyte. Bukod sa matagal nang pinaiiral na anti-hazing law, hindi pa natatagalang pagtibayin din ang isang sinusugang batas na lalo pang nagpapahigpit sa nabanggit na barbaric o malupit na initiation rites. Ang sinumang lumabag sa naturang batas ay may parusang habambuhay na pagkabilanggo o reclusion perpetua.
Nakapanlulumo nga lamang mabatid na tila tinatawanan lamang ng kinauukulang mga fraternity ang capital punishment na itinatadhana ng anti-hazing law. Ito kaya ay sanhi ng mabagal na pag-usad ng hustisya sa mga nasasangkot sa malagim na hazing? Bigla kong naalala ang mga akusado sa kamatayan ng isang neophyte na hindi ko na tutukuyin para sa katahimikan ng kanyang kaluluwa. Isipin na lamang na lumipas ang halos 21 taon bago nahatulan ang mga fraternity masters na mistulang pumatay sa kanya.
Palibhasa’y isa ring fraternity member, hindi ko makita ang makataong sistema ng pagtanggap sa anumang kapatiran. Sa tagal ng panahon ng aking paglahok sa mga initiation rites ng aming fraternity, hindi ko nasaksihan ang sinasabing barbarous rites sa aming mga neophytes. Hindi ko matiyak, gayunman, kung ang ganitong sistema ay umiiral pa sa kinaaaniban kong kapatiran ng Delta Sigma Lambda Fraternity – Society of Student Leaders and Scholars sa Far Eastern University (FEU).
Ang initiation rites ng naturang fraternity ay nakalundo sa psychological strategy na walang bugbugan, paluan ng sagwan o paddle, sipaan at kung anu-ano pang paraan ng pagpaparusa na nagiging sanhi ng kamatayan ng mga neophytes.
Isinasailalim natin ang mga miyembro sa tinatagurian naming mental gymnastics... o patalasan ng pag-iisip; pinalilibot namin sila sa university campus upang alamin at ipaliwanag, halimbawa, ang mga scientific names ng mga punungkahoy at iba pang pananim sa unibersidad. Nagdadaos kami ng teach-in na tinatampukan ng matalinong pagtalakay sa mga isyu na may kaugnayan sa pinag-aaralan naming mga kurso.
Tampok din sa initial rites ang pagpipiring habang sila ay nasa ituktok ng mataas na gusali; paiikutin nang tatlong beses at uutusang tumalon. Dapat lamang asahan na sila ay hindi susunod sa fraternity masters sa pangamba na sila ay bubulusok sa gusali.
Mga paraan ito at marami pang iba, na hindi bahagi ng karumal-dumal na kapatiran.