Ni: Mary Ann Santiago
Kinansela ng transport group na Stop and Go Coalition ang ikalawang araw ng kanilang tigil-pasada kahapon, kasunod ng kabiguan nilang maparalisa ang biyahe sa unang araw ng kanilang transport strike laban sa jeepney phaseout nitong Lunes.
Sa kabila nito, sinabi ni Stop and Go Coalition President Jun Magno na magkakasa sila ng mas malaking kilos-protesta sa mga susunod na araw, ngunit hindi pa nagbanggit ng eksaktong petsa.
Nitong Lunes, ikinasa ng transport group ang unang araw ng two-day transport strike ngunit hindi ito nagtagumpay, ayon sa MetropolitanManila Development Authority (MMDA), dahil nasa 5,000 pasahero lang sa Metro Manila ang naapektuhan.
Kaugnay nito, nagbanta na rin ng tigil-pasada sa Oktubre ang grupo ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at ng No To Jeepney Phase Out Coalition (NTJPOC).