ANG pagkamatay ng neophyte ng Aegis Juris law fraternity ng University of Santo Tomas (UST) — si Horacio Castillo III — ay isang kasong legal na kakailanganing pagpasyahan ng mga korte.
Ang unang naitalang pagkamatay sa hazing sa bansa ay ang kay Gonzalo Mariano Albert ng University of the Philippines (UP) noong 1954. Tatlumpu’t pito pang pagkasawi sa hazing ang napaulat sa mga sumunod na taon sa iba’t ibang eskuwelahan sa bansa — sa UP Diliman, sa Philippine Merchant Marine Institute, sa Cavite Naval Training Center, sa Pamantasan ng Araullo, sa San Beda College, sa University of the Visayas, sa Ateneo de Manila University, sa Holy Angel Academy, sa Philippine Military Academy, sa Far Eastern University Laguna campus, sa Philippine National Police Academy, sa Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa, sa UP Los Baños, sa Central Luzon State University, Palawan State University, sa Enverga University, sa University of Iloilo, sa University of Makati, sa De La Salle-College of St. Benilde, sa Western Mindanao State University, at ngayon, sa UST.
Ang pagkamatay ni Lenny Villa, ng Ateneo de Manila, noong 1991 ay nagdulot ng matinding galit sa publiko kaya naman pinagtibay ng Kongreso ang Anti-Hazing Law noong 1995, na nagtatakda ng parusang habambuhay na pagkabilanggo sakaling mauwi sa pagkamatay, panggagahasa, o pagkaputol ng bahagi ng katawan ang hazing. Dalawampu’t anim na miyembro ng fraternity ang nahatulan sa homicide sa kaso ni Villa, subalit nabaligtad ang hatol sa kanila matapos umapela.
Taong 2015, o 20 taon makaraang mapagtibay ang batas noong 1995, nang magkaroon ng pinal na desisyon ang Korte Suprema sa kaso ng hazing—ang pagpapataw ng sentensiya sa dalawang kasapi ng fraternity sa pagkamatay ng isang estudyante ng UPLB. Napatunayang nagkasala sila sa reckless imprudence resulting in homicide, na may katapat na parusang apat na buwang pagkakakulong hanggang apat na taon, at pagbabayad ng P1 milyon danyos.
Sa harap ng patuloy na pagtatala ng mga pagkamatay dahil sa hazing sa bansa, nagsipaghain ng mga panukala sina Senate Majority Leader Vicente Sotto III at Sen. Sherwin Gatchalian na nagtatakda ng mas matinding parusa sa hazing. Sa panukala ni Sotto, iginigiit niya ang pinakamatinding parusa na 20 hanggang 40 taong pagkakabilanggo, habang pinalalawak naman ng panukala ni Gatchalian ang saklaw ng mga pananagutan at iginigiit na umaksiyon ang mga eskuwelahan at pangunahan ang pag-iwas sa pagsasagawa ng hazing.
Ngunit habang nakabimbin pa ang mga panukalang ito para sa mas matinding parusa, pangangasiwaan ng pulisya ang kaso ng batang Castillo, dadaan sa prosekusyon, at sa proseso ng hukuman.
Umani ng hindi pangkaraniwang atensiyon, reaksiyon, at simpatiya ng publiko ang kaso dahil sa mga sumunod na nangyari—ang paghihinagpis ng mga magulang, isang amang hayagang humahagulgol, isang ina na nais makausap ang miyembro ng fraternity na nagsugod sa kanyang anak sa ospital, upang malaman kung paano ito binawian ng buhay. At nariyan din ang litrato sa Facebook ng alagang aso ni Castillo, na buong pangungulilang nakatingin sa kanyang labi sa Santuario de San Antonio sa Makati.
Aabutin pa ng ilang taon—gaya ng kaso ni Lenny Villa—bago tuluyang matuldukan ang kaso ni Castillo. Sa ngayon, ang magagawa lamang natin ay makibahagi sa galit ng publiko at paggiit ng katarungan para sa pagkamatay ng isang kabataang lalaki at hilingin na tiyakin ng gobyerno na mailalapat ang katarungan, kahit pa abutin ito nang ilang taon.