Ni: Nitz Miralles
MAY make-up ng dugo ang mukha ni Edgar Allan Guzman nang makausap namin sa taping ng My Korean Jagiya. Ang kuwento niya, sa istorya, sumugod siya sa bahay ni Jun Ho (Alexander Lee) para kausapin ang ex-girlfriend niyang si Gia (Heart Evangelista). Nagkataong nasa bahay nina Jun Ho si Tita Josie (Ricky Davao), binugbog nito si Ryan (Edgar) sa pang-iiwan kay Gia.
“Kontrabidang hindi nakakainis” ang description ni Edgar Allan sa karakter niyang si Ryan sa My Korean Jagiya.
Nagalit ang viewers sa kanya sa panloloko niya kay Gia pero matatawa at maaawa sa effort na makipagbalikan kay Gia na may asawa na.
“Nakakatuwa ang mainit na pagtanggap ng tao sa show at sa mga karakter namin. Kilala kami sa mga karakter namin sa show at overwhelming ang 20,000 estimate crowd na dumating sa mall show namin sa Naga,” wika ni Edgar.
Kuwento pa ni Edgar, may nag-DM (direct message) sa kanya para payuhan na huwag siyang lalabas ng madaling-araw dahil baka makita siya ng kuya niya na inis na inis sa karakter niyang si Ryan.
Gaya sa ibang cast ng My Korean Jagiya, natutuwa si Edgar kay Alexander dahil very down-to-earth at mabait.
“Sa taping, ayaw niyang matulog kahit break time at wala siyang eksena. Ayaw din niyang humiga sa folding bed dahil sa Korea, wala ‘yun at nahihiya rin siya. Later lang siya nahihiga at natutulog sa folding bed, natuto sa amin,” tsika ni Edgar Allan.
Pagkatapos ng My Korean Jagiya, kung kukunin uli siya ng GMA-7 for another show, sina Kris Bernal at Sanya Lopez ang gustong makatrabaho ni Edgar Allan.
“Gusto kong makatrabaho si Kris dahil feeling ko, magsaswak kami. Dapat nasa Impostora ako, ‘kaso nang mag-offer sila nasa Doble Kara pa ako. Gusto ko rin si Sanya dahil morena at mahilig ako sa morena. Malakas ang appeal sa akin ng mga morena,” pagtatapos ni Edgar Allan.