INAABANGAN ng K-Drama fans ang first Filipino-Korean romance drama na magsisilbing big break ni Devon Seron bilang leading lady ng Korean actors.

DEVON copy

Deserving na mapunta kay Devon ang project na ito, pagkaraan ng pitong taong pagganap sa supporting roles sa blockbuster films ng mga sikat na love team.

Unang sumagi sa isip ng writer-producer na si Shine Deauna-Ricafort ng Gitana Film Productions ang You With Me nang magtungo siya sa Japan para sa screening ng kanyang pelikulang Higanti na pinagbidahan nina Assunta de Rossi at Jay Manalo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“You With Me started from a simple fan-girling moment to a dream come true. I asked my daughter to load movies in my phone so I will have something to do during the travel. She loaded Goblin (sikat na Korean drama ng superstar na si Gong Yoo) and from then on, I got hooked,” kuwento ni Shine.

Ang You With Me ay tungkol sa istorya ng rich young Filipina na si Kim Soriano (Devon) na gustong maging independent sa kanyang overprotective na magulang. Kaya sinubukan niyang maging part-time English tutor na nagdala sa kanya sa South Korea at doon nakatikim ng kalayaan, pagmamahal at natuklasan ang lihim ng kanyang pamilya.

Sa maraming nag-audition, ang Korean actors na sina Kim Hyun Woo at Jin Ju Hyung ang pumasa para maging leading men ni Devon.

Sumikat si Hyun Woo sa kanyang award-winning role sa The Gentlemen of Wolgyesu Tailor Shop ng KBS samantalang nakilala naman si Jin Ju Hyung sa Hwarang: The Poet Warrior Youth ng KBS2.

Tulad ng kanyang leading men, hindi naging madali ang pagkakakuha ni Devon sa kanyang papel. Sa katunayan, naglakas-loob lang ang dating Pinoy Big Brother: Teen Clash housemate na mag-gatecrash sa audition.

“Nu’ng nag-audition po ako, sinabi na po sa akin na sa Korea daw po gagawin ‘tapos ‘yung mga kasama Korean. So ako naman, na-challenge ako, parang, wow! Pa’no kaya ‘to? Pa’no ko kaya gawin to? Nalito rin po ako and nahirapan din ako na i-imagine ‘yung sarili ko in that position,” kuwento ng dalaga.

Pero hindi sumuko sa mga paghamon si Devon.

“May mga doubts talaga ako sa sarili ko. Pero sobrang tuwa ko, sabi ko, gagawin ko talaga ‘yung very best ko in this film talaga. Dahil ‘yun nga po, ‘pinagkatiwala sa akin,” she said.

Kinunan ang 70% ng pelikula sa Korea ng magkakasamang Filipino-Korean staff.

“Mababait sila, they are very caring and gentlemen talaga ‘yung mga co-workers ko and ‘yung mga staff rin po, masaya rin sila makasama. Sabay-sabay kami kumakain, nakikipagtsikahan din sila, ‘yun po,” sabi ni Devon.

Umaasa si Devon na magtutuluy-tuloy ang nasimulang Filipino-Korean film partnerships ng Gitana at Film Line Productions.

“Ito po siguro ‘yung magiging simula ng collaboration ng Korea and Philippines and sana magtuluy-tuloy na. Kaya po hinihingi ko po talaga ‘yung support nila, ‘yung 100% support nila for the film para maging successful po s’ya and magsunud-sunod na ‘yung gagawin ng Philippines with Korea,” pakiusap ng dalaga..

Sa direksiyon ni Rommel Ricafort, palabas na ang You With Me sa mga sinehan simula ngayong araw. Ipapalabas din ito sa iba pang mga bansa sa Asya.