MAHIGIT 1,500 taekwondo jins mula sa iba’t ibang eskwelahan sa bansa ang magtatagisan ng husay sa pagsipa ng 2017 SMART/MVP Sports Foundation National Inter-School Taekwondo Championships sa Sept. 30-Oct. 1 sa Rizal Memorial coliseum.
Sasabak ang mga pambatong jins ng mga eskwelahan na affiliated sa Philippine Taekwondo Association (PTA) sa male and female kyorugi (sparring) at igugrupo sila sa novice at advance groups sa seniors, juniors, cadet at grade school division. Isasagawa rin ang Poomsae competition para sa mga colored and blackbelt students para sa individual, pair at team events.
Ang Poomsae ay isang uri ng pagpapamalas nang kahusayan sa timing, kilos gamit ang mga kamay at paa sa iba’t ibang porma.
Kabilang sa mga kalahok sa dalawang araw na kompetisyon ang Ateneo de Manila, University of Santo Tomas, St. Paul (Pasig), Diliman Preparatory School, Mary Hill School, Emilio Aguinaldo College, Montessori Integrated School, De La Salle University, University of the East, National University, Philippine Science High School, School of Holy Spirit, University of the Philippines Diliman, De La Salle University Araneta, Pamantasang Lungsod ng Valenzuela, gayundin ang mga kalahok mula sa Visayas at Mindanao.
Magsisimula ang aksiyon sa torneo na suportado ng Smart Communications Inc., Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, PLDT at Milo ganap na 9 ng umaga.