Nina JEFFREY DAMICOG, BETH CAMIA, at MARY ANN SANTIAGO

Pormal nang sinampahan kahapon ng Manila Police District (MPD) sa Department of Justice (DoJ) ng mga kasong kriminal ang Aegis Juris fratman na si John Paul Solano at sa nasa 17 iba pa kaugnay ng pagkamatay ng University of Sto. Tomas (UST) law student na si Horacio Tomas “Atio” Castillo III.

John Paul Solano is escorted by MPD Police as he arrives at the DOJ for the inquest procedure in the case of the UST Law freshman Horacio Castillo III who was died due to Aegis Juris fraternity hazing.(Photo by ali vicoy)
John Paul Solano is escorted by MPD Police as he arrives at the DOJ for the inquest procedure in the case of the UST Law freshman Horacio Castillo III who was died due to Aegis Juris fraternity hazing.(Photo by ali vicoy)

Nag-iisang nasa kustodiya ng pulisya, sumailalim si Solano sa inquest proceedings sa DoJ para sa mga kasong murder na may paglabag sa Anti-Hazing Law (RA 8049), perjury alinsunod sa Article 183 ng Revised Penal Code, obstruction of justice, at robbery.

Human-Interest

Kompanya, pinapahanap breadwinner na naiyak sa regalong panty ng nanay niya

Bukod kay Solano, kinasuhan din ng MPD ng murder at robbery ang isa pang miyembro ng Aegis Juris na si Ralph Trangia, at ang mga magulang nitong sina Antonio at Rosemarie Trangia.

Akusado rin sa nasabing mga kaso sina Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Ranie Refael Santiago, Oliver John Audrey Onofre, Jason Adolfo Robinos, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Karl Matthew Villanueva, Joshua Joriel Macabali, Axel Munro Hipe, Marc Anthony Ventura, Aeron Salientes, Marcelino Bagtang, Zimon Padro, at Jose Miguel Salamat.

Kasama rin sa mga kinasuhan ng MPD ang iba pang hindi nakilalang mga suspek, kabilang ang mga hindi pa tukoy na miyembro ng Aegis Juris fraternity at Regina Juris sorority.

Pinamunuan ni DoJ Assistant State Prosecutor Susan Villanueva ang panel ng prosekusyon na nagsagawa ng inquest kay Solano, na dumating sa kagawaran kasama ang ilang tauhan ng MPD.

Nakakulong si Solano sa MPD detention cell simula noong Biyernes ng gabi matapos siyang sumuko, halos isang linggo makaraang mapatay sa hazing ang 22-anyos na si Castillo.

Dumating din kahapon sa DoJ ang mga magulang ni Castillo na sina Carmina at Horacio Jr.

‘INOSENTE AKO’

Samantala, muling iginiit ni Solano na inosente siya, at sinabing handa siyang “ikanta” ang mga pangalan ng kanyang mga kasamahan na umano’y posibleng tunay na may kinalaman sa pagkamatay ni Atio.

“We’ll think about it. Pero more or less, I can, to save my liberty po and to clear my name also,” ito ang naging pahayag ni Solano sa ambush interview ng media bago ang kanyang inquest.

“Malaki po ang tiwala ko. Naniniwala po ako sa Diyos na alam Niyang inosente ako,” ani Solano.

Aminado rin si Solano na nangangamba siya para sa kanyang buhay sa sandaling ibunyag niya ang kanyang mga nalalaman.

“Yes, hindi naman po nawawala ‘yung takot, eh. Pero ‘di ba, why not sabihin na lang agad, mawala man akong bigla.

Wala namang nakakaalam,” aniya pa. “Basta po, rest assured na I will shed light to this matter po.”

Matatandaang si Solano ang naghatid kay Atio sa Chinese General Hospital upang malapatan ng lunas noong Setyembre 17 ng umaga, sakay sa pulang Mitsubishi Strada ng mga Trangia.

Isa pang miyembro ng Aegis Juris, tumakas nitong Setyembre 19 si Ralph Trangia, kasama ang kanyang inang si Rosemarie, patungong Chicago, habang nagpasabi na si Antonio na susuko.