Nina LIEZLE BASA IÑIGO at BELLA GAMOTEA

Nagsanib-puwersa ang Philippine National Police (PNP), Philippine Navy, at Philippine Coast Guard (PCG) upang imbestigahan ang pagkamatay ng dalawang mangingisdang Vietnamese makaraang makahabulan ng mga operatiba ng Navy sa Bolinao, Pangasinan, nitong Sabado, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

“Let us wait for the results,” sinabi ni DFA Spokesperson Rob Bolivar sa isang pahayag kahapon.

Kinilala ni Lt. Col. Isagani Nato, tagapagsalita ng Northern Luzon Command (NolCom), ang mga napatay na Vietnamese na sina Le Van Liem, 41; at Le Van Reo, 41 anyos.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inaresto naman ang limang kasamahan ng mga ito na sina Pham To, 34, boat captain; Phan Lam, 34; Nguyen Thanh Chi, 49; Phan Van Liem, 41; Nguyen Van Trong, 41, pawang residente ng lalawigan ng Phu Yen sa Vietnam.

Nabatid sa pagsisiyasat na nagtamo ang mga bangka ng mga dayuhan ng anim na tama ng bala, kasabay ng pagkakabaril sa dalawang nasawi.

Nasamsam din sa mga bangka ang limang malalaking yellow fin tuna na nasa 250 kilo, at isang sako ng dried squid na mag bigat na 50 kilo, at ginamitan ng superlight.

Ayon sa report, ilegal ang pangingisda ng mga Vietnamese dakong 11:30 ng gabi nitong Sabado, sa 34 nautical miles ng Cape Bolinao.

Nang isa sa anim na bangkang pangisda ang nagpatay ng ilaw malapit sa barko ng Navy ay umakto na umano itong tatakas kaya nagpakawala umano ng firing shots ang mga awtoridad.

Sinabi ng DFA na tiniyak na ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kay Vietnamese Deputy Prime Minister at Foreign Minister Pham Binh Minh na patas at masusi ang gagawing imbestigasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa nasabing insidente.