Nina BELLA GAMOTEA at ROMMEL TABBAD, May ulat nina Mary Ann Santiago at Orly Barcala
Nasa 5,000 pasahero sa Metro Manila ang na-stranded kahapon sa unang araw ng transport strike—pero lubhang napakaliit ng bilang na ito, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Paliwanag ni LTFRB Board Member at Spokesperson Aileen Lizada, kumakatawan lamang ito sa 0.5 porsiyento ng tinatayang 10 milyong pasahero ng jeepney sa buong National Capital Region (NCR).
Ayon kay Lizada, pinakaapektado ng tigil-pasada ang Commonwealth, Sandiganbyan, SM Fairview, Litex, at Doña Carmen, pawang sa Quezon City.
Sinabi naman ng MMDA na nabigo ang transport group na Stop and Go Coalition na paralisahin ang mga lansangan sa Metro Manila sa ikinasang strike ng mga ito laban sa planong jeepney phaseout at modernization program ng pamahalaan, dahil halos hindi naman naramdaman ang tigil-pasada.
Ayon kay Edward Gonzales, transport strike commander ng MMDA, base sa monitoring ng ahensiya simula 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, walang stranded na pasahero.
“Sa totoo lang hindi mo ramdam ‘yung strike dahil nag-ikot kami at wala na kaming nakitang stranded passengers,” ani Gonzales.
Gayunman, nagpakalat ang MMDA ng 67 sasakyan, 57 pribadong bus, isang truck mula sa Philippine Coast Guard (PCG) at limang M35 military truck upang magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero.
Hindi rin, aniya, nagdulot ng traffic sa Metro Manila ang tigil-pasada at nasa 120-150 driver/operator lamang ang lumahok sa strike.
Pasado 6:00 ng umaga nang simulan ng Stop and Go ang kanilang kilos-protesta, na nagresulta sa pagkakansela ng klase ng ilang paaralan.
Batay sa monitoring ng Balita sa Camanava 9Caloocan-Malabon-Navotas at Valenzuela), nahirapang sumakay ang mga pasahero kahapon, bandang 8:00 ng umaga, dahil madalang ang bumibiyaheng jeep.
Kaugnay nito, ipinag-utos kahapon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang pagdakip sa sinumang magbabanta o mangha-harass sa mga jeepney driver at operator na hindi sumali sa tigil-pasada.
Una nang inatasan ni NCRPO Director Oscar Albayalde ang lahat ng police district director sa Metro Manila na proteksiyunan ang seguridad ng lahat ng pasahero, mga driver at operator na hindi lumahok sa malawakang transport strike.
Nagbanta naman ang LTFRB na sususpendihin ang prangkisa ng mga transport group na makikilahok sa dalawang-araw na tigil-pasada, na tatagal hanggang ngayong Martes.
“The board will be giving this to the legal team para pag-aralan what case ang ipa-file kay Jun Magno (leader ng Stop and G) and for those na magpa-participate, lalahok today,” sinabi kahapon ni Lizada.
Ayon kay Magno, sa ilalim ng jeepney modernization project ng pamahalaan ay pauutangin sila ng electric jeep na nagkakahalaga ng P1.6 milyon, pero kahit may alok na P80,000 subsidiya ang pamahalaan ay kakailanganin pa ring magbayad ng mga driver ng P800 kada araw sa loob ng pitong taon, bago tuluyang mapasakanila ang mga bagong unit.