SA ngayon, sigurado na ang bansa na ipagpapaliban ang Barangay at Kabataang Barangay (KB) elections na nakatakda sa Oktubre 23, 2017, at posibleng sa Mayo 2018 na idaos.
Inaprubahan ng Kamara de Representantes ang panukala sa pagpapaliban ng halalan, ang House Bill 6308, sa ikatlo at huling pagbasa nitong Setyembre 13. Sinertipikahan ni Pangulong Duterte ng urgent, o dapat na agarang aksiyunan, ang panukala at nagpadala ng opisyal na komunikasyon sa Senado. Kaagad namang tumugon ang Senado at inaprubahan ang panukala nitong Setyembre 20.
Subalit nagpapatuloy pa rin ang pag-iimprenta ng mga balota. Gaya ng ipinaliwanag ng tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) na si James Jimenez, maaari lamang bagalan ng Comelec ang pag-iimprenta sa mga balota, ngunit hindi maaaring ipatigil ito. Ihihinto lamang ang pag-iimprenta kapag nilagdaan na ng Pangulo ang panukala bilang ganap na batas.
Dahil sa pamamagitan lamang ito opisyal na makakansela ang halalan sa Oktubre 23, 2017. Sa pamamagitan lamang nito ihihinto ng Comelec ang lahat ng ginagawa nitong paghahanda, kabilang ang pagtukoy sa mga lugar ng voting precinct, pagsasanay sa mga aasiste sa mga botante—mga miyembro ng Boards of Election Tellers at Barangay Boards of Canvassers—at siyempre pa, ang pag-iimprenta ng mga balota.
Hanggang nitong Setyembre 20, inihayag ng Comelec na gumastos na ito ng P39 milyon para sa pag-iimprenta ng 27,950,855 balota, na nagkakahalaga ng P3 bawat isa. Patuloy itong nag-iimprenta hanggang ngayon, nais makatupad sa itinakdang schedule, hanggang sa makumpleto ang kabuuang 57 milyon; o nasa 19 na milyong balota pa ang kinakailangan.
Kailangang magpatuloy ang pag-iimprenta hanggang sa ipatigil ito ng isang pinagtibay na batas. Sa pag-iimprenta ng 800,000 balota kada araw sa halagang P3 bawat isa, nasa P2.4 milyon ang ginagastos dito kada araw.
Sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na sakaling makansela ang eleksiyon sa Oktubre, walang dudang masasayang lamang ang mga naimprentang balota. Maaari namang aprubahan ng Comelec ang isang resolusyon na magpapahintulot sa paggamit ng mga naimprenta nang balota, na ang nakaimprentang petsa na Oktubre 23, 2017, ay tatakpan na lamang ng sticker o buburahin ng correction fluid at mamarkahan ng bagong petsa. Gayunman, iiimbak pansamantala ang mga naimprentang balota — na karagdagang gastos na naman dahil kakailanganing magrenta ng espasyo at kumuha ng serbisyo ng mga taong magbabantay sa mga ito.
Maiiwasan naman ang mga padagdag nang padagdag na gastos na ito kada araw kung ang panukalang naipasa ng parehong kapulungan ng Kongreso ay agarang maisasapinal ng bicameral conference committee at maisusumite kay Pangulong Duterte. Tiyak naman nating naghihintay lamang ang Pangulo sa panukala upang mapirmahana na niya ito kaagad.
Kung para lamang makatipid ng milyun-milyong piso pang magagastos, dapat na huwag nang magsayang ng oras ang Kongreso sa pagkumpleto sa inaprubahang panukala, at marapat din na huwag magsayang ng oras si Pangulong Duterte at kaagad na pirmahan ito.