Ni REGGEE BONOAN

LIBONG beses na yata naming narinig na lumaki sa hirap si Eugenio ‘Boy’ Abunda, Jr. sa Borongan, Eastern Samar; na ang nanay niya ay public school teacher at ang tatay niya ay konduktor ng bus na bumibiyahe ng Borongan-Catbalogan.

Bagamat mahirap ay masaya ang pamilyang nilakhan ni Kuya Boy dahil mahal na mahal silang magkapatid ng nanay at tatay nila.

BOY AT ANG MAY-AKDA copy

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Palibhasa’y bunso kaya pinag-aral sa seminaryo nang tumuntong siya ng high school pero bata pa lang ay alam na ng mga magulang niya, at siya mismo, na iba ang kilos at gusto niya kumpara sa mga kaklase niya.

Nang lumuwas ng Maynila para ipagpatuloy ang pag-aaral, saka naman pumanaw ang kanyang ama, kaya sa siyudad na nagsimula ang kalbaryo sa buhay niya.

Lagi itong ikinukuwento ni Kuya Boy kapag iniimbitahan siya bilang speaker, dahil ginagawa niyang halimbawa ang buhay niya, ang mga hirap at ginhawang pinagdaanan; na hindi hadlang ang kahirapan para makamit ang tagumpay -- na tinatamasa niya ngayon.

Kapag naririnig namin ang kuwentong ito ng mahusay na TV host, paulit-ulit kaming humahanga nang husto sa kanya.

Napakatapang niya sa buhay, kabaligtaran ng madalas itawag sa kanya noon dahil siya ay gay -- ‘duwag’.

Habang hinihintay namin ang paglabas ni Boy Abunda sa launching ng unang libro niyang It’s Like This sa The Atrium ng Shangri-La Plaza Mall nitong nakaraang Linggo, inumpisahan naming basahin ang ilang pahina. Umabot kami sa “27 Abundable Thoughts” na hindi namin namalayang teary-eyed na pala kami at bigla kaming nahiya dahil ang dami-daming tao, baka may makakita at mag-isip pang umeeksena kami.

Pasimple kaming nagpunas ng luha, itinigil ang pagbabasa, at nakipagkuwentuhan kina Katotong Jimi Escala, Maricris Nicasio, at Blessie Cirera. Nakita rin namin si Katotong Tina Bonifacio ng ABS-CBN Publishing na naka-leave ngayon dahil nagpapagaling mula sa pagkakasakit, kaya kinumusta namin.

Nagsimula ang programa at isa-isang nagsalita ang ilang taong malapit sa puso ni Kuya Boy tulad ng mga alagang sina Sitti, Gelli de Belen at iba pa na nagkuwen sa kung anu-ano ang paborito nila sa mga nakasulat sa It’s Like This inspirational book.

Marami ang mga ordinaryong tao na nag-participate sa Q and A sa launching ng libro na sinagot lahat ng King of Talk.

Sa panayam ng entertainment press, tinanong si Kuya Boy kung bakit ngayo lang siya naglabas ng libro sa tagal na niya sa industriya. Kung ikukumpara nga naman sa ibang ABS-CBN artists/talents na nakapaglabas na ng libro, mas may karapatan siya.

“Hindi ito plinano for a specific reason, nangyari na lang. I was actually writing a book on my management, on managing talents, pero napunta kami rito at naging trilogy nga po ‘yung aming usapan ng ABS-CBN Publishing. Ibig sabihin, my second book actually is done and ready for printing. It’s a compendium of speeches na aking ‘diniliber sa Doctoral graduation ko, ‘yan ay hindi na. ‘Yung pangatlong libro ko po will be on managing public figures, na dapat ito ‘yung una.

“Bakit ngayon lamang? Ay, hindi ko po alam, it happened. Nu’ng naumpisahan namin, ang daming pagkakataon na ‘huwag na muna, ang dami kong trabaho, parang ganu’n.’ There were times that I just kept on writing and thank you, Lord, you made it happened,”pahayag ng TV host.

Bakit odd numbers (137) ang bilang ng thoughts sa It’s Like This, bakit hindi isinaradong 200 o 150 o even numbers.

“One of the most daunting parts of writing a book is being able to decide kung ano ang ipapasok mo at kung ano ang ii-edit. When we were doing the book, baka napunta lang do’n, but I wanted the last one to an odd number, wala lang suwerte ko,” paliwanag ni Kuya Boy.

Sa tanong kung bakit thoughts ang ginamit na estilo ni Kuya Boy sa It’s Like This at hindi linear, “I was writing thoughts for another material, it was for another material pagkatapos napunta ro’n. Makaplano ako, eh, like ‘yung isang book, may 1, 2,3 and 4 ako, pero dito, I’m glad I started like this, magaan na narrative, it is my story, it’s part of my story you know. I don’t think you can write your whole story in a book, pero kahit paano, nariyan ang maraming kuwento sa aking buhay at sa kabaitan naman ng Philippine Star, binigyan naman nila ako ng pahintulot na gamitin ‘yung mga artikulo na aking sinulat early on when I was doing Direct Line, kaya maraming salamat.”

Samantala, ang nagpaiyak sa amin ay ang sinulat ni Kuya Boy na, “#21 When Tatay died, I was forced to live, #22 I wandered aimlessly. Luneta became my address. Mabini was an amusement park where red lights were comforting to a lost boy in search of himself. #24 I learned how to dream on my own. At the top of my list was to give Nanay the best life. How? I had no clue. I was so hungry, I was willing to do anything, eat fire? Walk on wires? Sell the Jones Bridge? Anything! As long as it would bring me closer to my dreams. It was tougher than tough but nothing is tough to a foolish adolescent with a dream. #26 The big city was dangerous, I learned how to live with danger.”

Hindi kasi namin inakala na minsan sa buhay ng sikat at mayamang tulad ni Boy Abunda ay tumira o natutulog siya sa bangketa. Akala namin, sa Maalaala Mo Kaya lang ang mga ganitong kuwento ng mga taong hindi namin personal na kakilala. Isa pala sa kanila si Kuya Boy!

Magsisilbing inspirasyon sa amin ang It’s Like This ni Boy Abunda at sana sa iba pang bibili ng librong ito sa lahat ng branch ng National Bookstore at Powerbooks sa murang halagang P275.