Ni: Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Fil Oil Flying V Center)

12 m.h. -- San Sebastian vs Letran (jrs/srs)

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

4 n.h. -- Lyceum vs EAC (srs/jrs)

Lyceum Pirates, sasalakay ngayon kontra EAC Generals.

PASOK na sa Final Four. Sigurado na rin sa ‘twice-to-beat’ ang Lyceum of the Philippines.

Ngunit, nananatili ang paglagablab sa hangarin ng Pirates na makalikha ng kasaysayan sa NCAA Season 93 – walisin ang double-round eliminations.

Asahan ang maangas at matikas na ratsada ng Pirates sa pakikipagtuos muli sa naghahabol na Emilio Aguinaldo College Generals ngayon sa men’s basketball tournament sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.

Kasalukuyang nagsosolo sa pangingibabaw ang Pirates na hindi pa nakakatikim ng kabiguan matapos ang 13 laro.

Nakatakdang magtuos ang Pirates at Generals ganap na 4:00 ngayong hapon pagkatapos ng unang seniors match sa pagitan ng season host San Sebastian College at Letran ganap na 2:00 ng hapon.

Sa una nilang paghaharap na naganap sa mismong homecourt ng Generals, matatandaang dumaan sa butas ng karayom ang Pirates bago nakamit ang 97-93 panalo.

At sa naunang apat na panalo nila ngayong second round, halos sa huling bahagi na ng laro sila nakakalayo o nakaka-agwat sa kanilang katunggali na inaasahan na ng koponan pagkaraan nilang mawalis ang first round.

Muling sasandigan ng Pirates ang kanilang teamwork na makailang ulit nang nagsalba sa koponan partikular sa mga pinakahuli nilang laban kabilang na ang 94-83 come-from -behind win kontra University of Perpetual Help.

Inaasahang muling mamumuno para sa target nilang 14th straight win sina CJ Perez, import Mike Nzeussue, skipper MJ Ayaay at ang kambal na sina Jaycee at Jayvee Marcelino.

Sa kabilang dako, magkukumahog namang bumangon mula sa nakapanlulumong 69-81 kabiguan sa nakaraan nilang laban kontra Stags ang Generals (6-7) upang patuloy na buhayin ang kanilang tsansang umusad sa Final Four round.

Tatangkain nilang makaahon mula sa kinalalagyang solong ikalimang puwesto taglay ang barahang 6-7.

Samantala sa unang laro, makapagsolo sa ikatlong puwesto ang tangka ng Letran sa pagsagupa host San Sebastian na hangad namang lalong palakasin ang tsansang umusad sa susunod na round.