Ni: Lyka Manalo
BATANGAS CITY - Nasa 400 katao ang inilikas sa mga bulubunduking lugar kung saan nagaganap ang bakbakan sa pagitan ng militar at mga miyembro ng New People's Army (NPA) sa Batangas City hanggang kahapon.
Ayon kay Senior Insp. Mario David, investigation chief ng Batangas City Police, inilikas sa mga covered court ng mga barangay ng Cumba at Talahib Pandayan ang mga residenteng malapit sa Mt. Banoy kung saan nangyayari ang bakbakan.
Sinuspinde rin ang klase sa mga mababang paaralan ng Tibig, Cumba, Talahib Pandayan, Talahib Payapa, Sto. Domingo, Maruclap, Conde Itaas, Talumpok Proper, Talumpok Silangan, Haligue Silangan, Haligue Kanluran, Sto. Niño; sa Talumpok National High School, Talahib Pandayan National High School, at Sto. Niño National High School.
Ayon kay Marie Lualhati, ng City Information Office, kaagad nagbigay ng direktiba si Batangas City Mayor Beverley Dimacuha-Mariño na magpadala ng mga pagkain at gamot para sa mga lumikas na residente.
Nanatili namang kalmado at normal ang sitwasyon sa Batangas City.
Sa report ng BPPO, nagsimula ang bakbakan dakong 8:50 ng umaga nitong Linggo, sa pagitan ng 730th Combat Group ng Philippine Air Force (PAF) at grupo ng mga rebelde sa bisinidad ng Mt. Banoy sa Bgy. Talumpok Silangan.
Iniulat na napatay ang isang rebelde at 12 iba pa ang nasugatan, habang walang napaulat na nasaktan sa panig ng militar.