Ni: Francis T. Wakefield
Kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) na nailigtas na ang tatlo pang bihag ng Maute Group mula sa main battle area (MBA) sa Marawi City, Lanao del Sur.
Kinilala ni Army Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Force Ranao, ang tatlong nailigtas na sina Hadji Abdullah Nicon Rakin Baunt, Kiram Datu Dakula Ampatua, at Abdulnasser Ergas Mangondaya, pawang residente ng Marawi.
Ayon kay Brawner, iniligtas ng puwersa ng gobyerno ang tatlong bihag noong nakaraang linggo sa kasagsagan ng pagpapatuloy ng bakbakan.
Sinabi naman ni AFP-WestMinCom chief Lt. Gen. Carlito Galvez na nag-iingat ang militar sa pagbibigay ng mga detalye, lalo na dahil nagpapatuloy ang kanilang operasyon kontra Mautre, upang hindi maisaalang-alang ang buhay ng mga natitirang bihag.
“There are still more or less 46 hostages there. If we will reveal how we rescued them it might compromise the ongoing rescue operations on the others,” ani Galvez.
Sinabi ni Galvez na aabot na lang sa 60-80 ang nalalabing terorista sa Marawi.