Ni: Francis T. Wakefield

Napigilan ng mga puwersa ng pamahalaan ang plano ng Abu Sayyaf Group, sa ilalim ng pamumuno ni Furuji Indama, na bombahin ang Zamboanga City kasunod ng pagkakadakip ng dalawang miyembro nito, noong nakaraang linggo.

Ikinasa ng nagsanib-puwersang Joint Task Force Zamboanga at ng Zamboanga City Police Office ang pagdakip sa grupo ni Omar Askali, alyas “Ayub”, sa Governor Lim Avenue, Zamboanga City, bandang 10:30 ng umaga nitong Sabado, na nauwi sa kanyang pagkakaaresto.

Inihayag ni Army Colonel Leonel Nicolas, commander ng JTF Zamboanga, sa inilabas sa intelligence reports na nagpaplano ang grupo ni Askali na bombahin ang mga pampublikong lugar sa lungsod, tatlong araw simula nitong Sabado.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Inihayag din ni Col. Nicolas na nakumpiska mula kay Askali ang isang granada, isang cell phone, at dalawang ID.

Tapat na tagasunod ni Indama si Askali at sinanay ito sa paggawa ng improvised explosive device (IED).

Ayon sa karagdagang impormasyon, ipinadala ni Indama sina Mukaram Sapie, alyas “Mukram”, at isang Shayif, upang isagawa ang pambobomba.

Sa follow-up operation, nadakip din ng puwersa ng gobyerno si Sapie sa Barangay Taluksangay. Narekober mula kay Sapie ang isang IED at isang .45 caliber pistol.

Kasalukuyan pa ring sinusuyod ng mga awtoridad ang lugar sa iba pang IED, dahil sa impormasyong nakuha mula kay Askali na dalawang IED ang nasa pag-iingat ni Sapie.