MARAMI na ang nag-aabang sa premiere airing sa ABS-CBN Primetime Bida ng The Good Son ngayong gabi dahil sa mga papuring sinulat ng entertainment press at bloggers na nanood ng special screening ng serye kamakailan.
“Walang dudang mamahalin at yayakapin ang The Good Son. Mahuhusay ang artista at panalo ang pagkakasulat at pagkalahad ng kuwento.
Joshua Garcia is without a doubt the best young actor we have right now,” pahayag ng Abante Tonite columnist na si Alwyn Ignacio.
“Wala kang sasayanging eksena ng mga aktor sa teleserye… Drama at its best ang TGS! Pinagbuklod sa iisang teleserye ang magagaling na beterano at baguhang aktor! Ang gagaling nila!” saad naman ni Dominic Rea ng Tiktik.
Bukod sa performances ng mga aktor sa serye, nakakuha rin ng positibong reaksiyon ang direksiyon at ang pagkakalahad ng kuwento tungkol sa apat na magkakapatid na sina Joseph (Joshua) at Obet (McCoy De Leon) at Enzo (Jerome Ponce) at Calvin (Nash Aguas) mula sa dalawang pamilya na naghahanap ng katotohanan sa pagkamatay ng kanilang ama.
“Matagal-tagal na rin kaming hindi nakakapanood ng ganito kagandang drama series – so compelling, so well-directed, so-well acted, so brilliantly made and performed,” pahayag ni Vinia Vivar ng Bulgar, Pang-Masa, at People’s Journal Tonight.
“Ito ang sukatan ng soap operas dahil mayroon itong ensemble acting at napakagandang kuwento na makaka-relate ang lahat. Nagbibigay ito ng malapitang pagtanaw sa pinagdadaanan ng mga pamilya sa panahon ng kamatayan at pagtataksil,” ani Alex Brosas ng Manila Bulletin at Bandera.
Dagdag ni Kata Adajar ng blog ng Random Republika, “Hindi lang showcase ng magaling na aktingan ang The Good Son dahil kamangha-mangha rin ang kuwento nito.”
Mapapanood din sa The Good Son ang tinitingalang teen stars ngayon na sina Loisa Andalio, Elisse Joson, at Alexa Ilacad, kasama ang mga batikang sina Mylene Dizon, Eula Valdez, John Estrada, Ronnie Lazaro, Jeric Raval, Alex Medina, at Kathleen Hermosa. Ito ay mula sa direksiyon nina Manny Palo at Andoy Ranay.