Ni Jun Fabon

Makalipas ang apat na buwang bakbakan, naghahanda na ang pamahalaan para sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Sa ulat ng engineering brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nagsimula na ang assessment sa kondisyon ng mga gusali sa paligid ng main battle area bilang unang hakbang sa rehabilitasyon na pamumunuan ng Task Force Bangon Marawi.

Noong Hulyo 28, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order No. 3 na bubuo ng Task Force Bangon Marawi at si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang chairperson habang si DPWH Secretary Mark Villar ang vice chairperson.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nabatid na halos kontrolado na ng mga tropa ng pamahalaan ang pinagkukutaan ng teroristang Maute, kabilang na rito ang Grand Mosque, Jamiatul Philippines Al-Islamiya School, Bayabao (Bangolo) at Masiu (New) Bridges, at Pacasum Square.

Iniulat din ng pamahalaan na ang ilang Marawi evacuee ay ililipat sa relocation area at 1,000 pansamantalang bahay na ipinagawa para sa kanila sa darating na Disyembre.

Sa opisyal na ulat ng AFP noong Setyembre 23, nasa kabuuang 691 Maute at 151 government soldiers ang nasawi sa bakbakan sa Marawi.

Kaugnay nito, inihayag ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na dahil sa inaasahang pagsuko ng mga natitirang miyembro ng Maute ay oobligahin ang mga ito na magsuot ng underwear o brief.

“Kung gusto nilang sumuko sa puwersa ng military ng pamahalaan ay dapat magsuot sila ng underwear para matiyak din ang kaligtasan ng mga sundalo,” ani Padilla.