Ni DANNY J. ESTACIO
ISA nang ganap na major festival ang Niyogyugan Festival sa Quezon, na naging mabilis ang pagsulong upang makilala sa iba pang mga lugar sa bansa at sa ibayong dagat.
Ang Niyogyugan Festival ay itinakda tuwing Agosto, anim na taon na nakalilipas. Sa murang gulang ng festival ay umani na agad ito ng pagkilala sa mga karatig-lalawigan, kaya itinuturing ng Department of Tourism na isa na itong major festival sa bansa.
Ang Niyogyugan Festival sa Quezon ang tinaguring Mother of All Festivals sa Quezon. Sa pamamagitan nito, ang mga festival sa 39 bayan at dalawang lungsod sa Quezon ay pinagsasama-sama sa iisang lugar.
Ito ay likhang-isip ni dating Bondoc Peninsula Representative Aleta C. Suarez, maybahay ni House Minority Floor Leader Danilo E. Suarez.
“Ang masiglang partisipasyon ng lahat ng mga bayan at lungsod na bumubuo sa lalawigan ay sumisimbolo sa pagkakaisa ng mga Quezonian. Sumasalamin din ang patuloy na paglago ng naturang festival sa pangkalahatang pag-unlad ng sektor ng agrikultura,” pahayag ni Quezon Governor David C. Suarez.
Ang pangarap ni Suarez ay maibalik sa lalawigan ang karangalan bilang top producer ng niyog sa bansa. Ang produksiyon ng niyog sa Quezon ngayong taon ang pinakamataas sa loob ng dalawang dekada. Kaya masayang ibinalita ng gobernador na dahil sa pagsigla ng industriya ng niyog sa buong lalawigan, muling naibalik sa probinsiya ang pagiging numero uno sa coconut production.
Binuo ang katagang Niyogyugan, pinagsamang salita ng Niyog at Indak, sapagkat ang niyog ang pangunahing produkto ng Quezon.
Sa nasabing festival, ipinakita ng iba’t ibang bayan sa Quezon ang kani-kanilang lokal na produkto na tinipon sa inilunsad na Agri-Tourism Exposition. Dito, ang bawat bayan ay nagtayo ng kani-kanilang booth, na ang mga materyales ay mula sa produkto ng niyog. Mas pinagarbo at mas pinatingkad ang kulay at disenyo ng booth sapagkat may katumbas na malaking halagang papremyong matatanggap ang pinakamaganda, mula sa provincial government.
Nagkaroon din ng pagandahan ng dekorasyon ng float at pagalingan sa street dancing na ang mga kasuotan ay mula rin sa mga materyales ng niyog, at pumarada sa mga pangunahing lansangan ng Lucena City. Nagkaroon din ng patimpalak sa Bb. Niyogyugan 2017 na pinagwagian ni Ms. Ashanti Shaine Ervas ng Lucena City.
Naging hamon sa pamunuan ng Niyogyugan Festival na mas gawing makulay, mas masigla, mas kaakit-akit at mas magarbo ang festival ngayong 2017. Hindi naman sila nabigo dahil humakot ito ng daan-daang libong lokal at banyagang turista, gayundin ang pagbisita ng iba’t ibang personalidad katulad nina Senators Cynthia Villar, Grace Poe-Llmanzarez, DILG -OIC Catalino Cuy, congressional spouses, mga kilalang movie personalities, at maraming iba pa.
[gallery ids="266711,266717,266713,266714,266712,266715,266721,266720,266719,266718,266722"]