Walang pasyente ng Japanese Encephalitis (JE) na namatay sa isa sa mga pagamutan sa Maynila, paglilinaw kahapon ni Dra. Regina Bagsic, overall coordinator ng anim na ospital na pinangangasiwaan ng Manila City Government.

Ito ay matapos kumalat sa social media na namatay umano ang isang siyam na taong gulang na bata at residente ng Barangay Kasilawan, Makati, na dinala sa Sta. Ana Hospital sa Maynila noong Setyembre 13, 2017.

Ayon kay Bagsic, dengue at hindi JE ang ikinamatay ng bata, batay na rin sa official medical records nito.

“We wish to clarify reports in the social media that a patient has died of Japanese encephalitis at Sta. Ana Hospital. The patient actually died of dengue,” ani Bagsic.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Muli rin namang tiniyak ni Bagsic na hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa ring ligtas ang lungsod laban sa JE kaya walang dapat na ikabahala ang mga residente.

Matatandaang una nang pinaalalahanan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang publiko, partikular ang mga Manilenyo, na maging maingat sa JE na nakukuha sa kagat ng lamok at nambibiktima ng mga residente sa ilang lalawigan sa Central Luzon.

Inatasan na rin ni Estrada ang Manila Health Department (MHD) na magsagawa ng information drive sa mga komunidad upang bigyang-kaalaman ang mga Manilenyo hinggil sa naturang sakit at paano ito maiiwasan.

“Knowledge is the best defense. People should be taught what to do and what to know to prevent the spread of mosquito-borne diseases such as this Japanese encephalitis,” aniya pa.

Nanawagan din ang alkalde sa mga mamamayan na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran upang hindi pamugaran at itlugan ng mga lamok na may dala ng deadly virus, hindi lang Japanese encephalitis kundi pati dengue, chikungunya, Zika fever, at yellow fever. - Mary Ann Santiago