Nakahanda na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ayudahan ang mga pasahero na maaapektuhan ng tigil-pasada ng transport group na Stop and Go Coalition bilang protesta sa phaseout ng 15-taong jeepney ngayong araw.
Magkakaroon ng libreng-sakay ang MMDA, gamit ang mga bus ng ahensiya, 6 x 6 trucks ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang sasakyan mula sa ibang ahensiya ng pamahalaan, para sa publiko.
Maaaaring mag-abang ng libreng sakay ng MMDA sa Monumento, sa harapan ng MCU southbound, SM Marikina, Luneta Parade Ground, HK Town Plaza sa Pasay City, Technohub sa Quezon City, MMDA parking lot at Camp Aguinaldo.
Samantala, sinabi kahapon ni Jun Magno, pangulo ng Stop and Go Coalition, na bukas pa rin sila sa pakikipag-usap sa pamahalaan.
Bukod sa Jeepney Modernization Program, ipinoprotesta rin ng grupo ang mataas na presyo ng e-jeepney, na nagkakahalaga ng P1.6 milyon at pinaplano ng pamahalaan na ipapalit sa mga aalising lumang jeepney sa bansa.
“Hindi kayang pasanin ng mga jeepney drivers at operator ang P1.6 million para sa bagong jeep. Pauutangin kami ng P1.6 million. Tulong po ba ang utang? Magkano lang boundary ng driver,” giit ni Magno.
Nilinaw namang sasali ang Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) sa transport strike ngayon araw pero may nakaplano na silang protesta sa mga susunod na araw. - Bella Gamotea, Mary Ann Santiago at Beth Camia